Nakainom na motorcycle rider, sugatan sa banggaan sa QC

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 11:12 AM

Isang motorcycle rider ang sugatan nang makabangga ang isang taxi sa kahabaan ng Congressional Avenue sa Quezon City, Martes ng umaga.

Nakilala ang sugatan na si Pablo Turla, na nagtamo ng sugat sa dibdib at tainga.

Pasado alas-2 ng madaling araw nang sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa taxi ni Francisco Magallanes Jr.

“Pa-U-turn po ako mula Congressional Avenue nang may biglang bumangga sa likuran ko. Malakas nga po. Wala po siyang ilaw,” sabi ni Magallanes.

Hindi naman nasugatan si Magallanes sa aksidente.

Walang ilaw at pagewang-gewang pa umano ang motorsiklo na agad tumumba sa kalsada.

Ayon sa mga rumespondeng tauhan ng barangay, positibong nakainom ang motorcycle rider at mabilis na nagpapatakbo nang sumalpok sa taxi.

Agad isinugod sa pinakamalapit na ospital si Turla na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to physical injuries.

Paalala naman ng barangay sa mga nagmamaneho na huwag mabilis ang takbo at huwag na lang din magmaneho ang mga nakainom para makaiwas sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.