Lalaking 'doble-kara' arestado sa pangingikil

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 05:13 PM

Arestado ang isang lalaki dahil umano sa pangingikil sa Porac, Pampanga Martes ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Rommel Tolentino, 49.

Ayon sa imbestigasyon, nagpapakilala si Tolentino bilang undercover agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) o kaya'y miyembro ng New People's Army (NPA) sa kaniyang pakikipagtransaksiyon sa mga may-ari ng tindahan ng secondhand lumber sa Pampanga.

Bitbit ang body bag na may granada, tinatakot umano ni Tolentino ang mga may-ari kapalit ng pera.

Naaresto si Tolentino matapos siyang agad na isumbong sa pulisya ng huli niyang nabiktima.

Ayon sa biktima, humingi ng P5,500 si Tolentino ngunit dahil mga trabahador lamang ang inabutan sa tindahan, P2,000 lamang ang naiabot sa kaniya.

Sa pagresponde ng pulisya, inabutan si Tolentino na nangingikil sa iba pang mga tindahan ng secondhand lumber sa lugar.

Nakuha kay Tolentino ang P2,000 na kinikil sa biktima, ang ipinapanakot na granada, mga flashlight at iba pa.

Napag-alaman rin ng pulisya na nauna nang nakulong si Tolentino sa bayan ng Magalang nitong Pebrero dahil rin sa pangingikil. Nakapagpiyansa lamang siya nitong Mayo.

Dagdag pa ng biktima, naalerto sila sa pangingikil ni Tolentino dahil nauna nang nabiktima ng suspek ang kaniyang kaibigan sa kabilang bayan.

Itinanggi naman ni Tolentino ang mga paratang sa kaniya.

Sasampahan ng kasong illegal possession of explosive at robbery extortion si Tolentino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.