Lalaki napag-initan, binugbog ng mga kabataan

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 09:23 AM

MANILA - Bugbog-sarado ang isang lalaki matapos mapag-initan ng mga kabataan sa Barangay 150, Caloocan, Lunes ng hapon.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang nakainom na biktimang si Ariel Pestilos na hinihila pataas ang kanyang pantalon habang naglalakad sa Kapayapaan Street.

Nang makalapit sa grupo ng mga lalaki, bigla na lang siyang hinampas ng mga ito. Tumakbo si Pestilos pero hinabol din siya ng mga ito at sinuntok sya ng isa pang binatilyo.

Nagtago si Pestilos sa likod ng isang lalaking naka-motorsiklo pero hinampas pa rin siya ng dos por dos at silya ng grupo. Nang humandusay ang biktima, pinalo pa rin siya ng kahoy sa ulo.

Makaraan ang ilang minuto, dumating ang isang pulis para dalhin siya sa ospital.

"Parang may dinudukot sa likod [si Pestilos], pero base sa pagtatanong natin, manerismo lang," ani Arnel Delgado, barangay secretary.

"Parang napagkamalan na may gagawing masama doon sa mga nakatambay. Inunahan kaagad."

Nasa kustodiya na ng pulis ang isa sa mga suspek na kinilalang si Rommelson Pineda, 18. Pinaghahanap ang mga kasamahan niyang sina Christian Marquez at Aldrin Marcos.

Nakalabas na sa intensive care unit ang biktima, pero kailangan pa niyang sumailalim sa operasyon, ayon sa barangay.

Desidido anila ang kaniyang pamilya na kasuhan ang mga suspek.

RIOT

Samatala, nabugbog din ang isang menor de edad sa away ng mga grupo ng kabataan sa kalapit na Barangay 139.

Sa kuha ng CCTV, makikita na pinagsusuntok ang binatilyo sa harap mismo ng barangay hall. Agad namang naawat ng mga tanod ang gulo.

Madalas anila ang riot sa lugar dahil sa mga grupo ng mga kabataan mula sa mga karatig na barangay.

Nakikipag-ugnayan na ang mga barangay official upang maiwasan ang mga riot. Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.