Dengvaxia procurement, minadali, ayon sa dating opisyal ng DOH

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 07:31 PM | Updated as of Dec 12 2017 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng isang dating opisyal ng Department of Health (DOH) na minadali ang proseso ng pag-aaral at pagbili sa kontrobersiyal na bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

"Sa loob ng tatlong buwan, napagalaw nila ang P3 billion na procurement, eh napakabilis noon," ani dating Health Undersecretary Susan Mercado sa programang "Umagang Kay Ganda" nitong Martes.

Kabilang si Mercado sa mga dumalo sa pagdinig ng Senado sa isyu ng Dengvaxia noong Lunes.

Paliwanag ni Mercado, pangkaraniwang dalawang taon ang inaabot ng buong proseso bago lubusang ipakilala sa publiko at ipamahagi ng gobyerno ang isang bakuna.

"Kung magpapatakbo kayo ng pagpapabakuna, dalawang taon ‘yan," ani Mercado.

Bukod kasi sa pag-aaralan ang gamot, kinakailangan ding tiyakin ang kahandaan ng mga taong lalahok sa vaccination program, gaya ng mga doktor, opisyal ng mga lokal na pamahalaan, at maging ang mga magulang ng mga batang babakunahan.

Pero depensa ni Garin sa mga naunang pahayag, inabutan na niya ang mga papeles ukol sa bakuna nang maging pinuno siya ng DOH. 

Naging maugong ang Dengvaxia matapos ilabas ng manufacturer nitong Sanofi Pasteur ang pag-aaral na maaring magdulot ng malubhang sintomas ang bakuna kapag naibigay sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Tiniyak naman ni Mercado na walang dapat ipangamba ang mga magulang sa ibang bakuna dahil Dengvaxia lang umano ang lumalabas na mayroong masamang epekto.

"Baka isipin ng mga tao, lahat ng bakuna, masama. Itong Dengvaxia lang ang may problema," ani Mercado.

Papel ng FEC

Ipinaliwanag din ni Mercado ang papel ng Formulary Executive Council (FEC) sa pagbili ng gobyerno sa bakuna.

Ayon kay Mercado, hindi nangangahulugang maaari nang bilhin ng gobyerno ang isang bakuna kapag nakakuha ito ng lisensiya mula sa Food and Drug Administration.

"Ito'y isang lisensiya para magbenta pero 'di ibig sabihin na puwede bilhin ng gobyerno," paliwanag ni Mercado. 

Papel ng FEC, na binubuo ng mga dalubhasa sa pharmacology o mga droga, na magsagawa ng mga pag-aaral upang makapagbigay ng rekomendasyon at pahintulutan ang pagbili ng gobyerno sa mga bakuna.

Subalit naungkat sa pagdinig ng Senado na binili na ang mga bakuna kahit hindi pa aprubado ng FEC. Hindi rin umano dumaan sa fourth stage ng pagsusuri ang bakuna.

Abril noong nakaraang taon nang ilunsad ng gobyerno ang programang nagbibigay ng libreng bakuna kontra dengue sa mga bata sa mga lugar na maraming naitalang kaso ng dengue.

Higit 830,000 bata ang nabigyan ng bakuna.

Ang Pilipinas ang unang bansa sa Asya na nagpahintulot na ipamahagi ang Dengvaxia sa mga indibidwal edad 9 hanggang 45 taong gulang noong Disyembre 2015.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.