Dating Health Secretary Janette Garin naoperahan na

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 08:27 PM

Inoperahan si dating Health Secretary Janette Garin sa appendix matapos lamang itong dumalo sa pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersiyal na bakuna kontra dengue.

Ayon kay Dr. Roel Tolentino, isang surgeon at malapit na kaibigan ng dating kalihim, inoperahan si Garin dahil sa suppurative appendicitis o nana sa appendix.

Bandang alas-6 ng gabi nitong Lunes isinagawa ang operasyon.

Bago nito, pinilit ni Garin makadalo sa Senado para linawin ang ilang katanungan hinggil sa bakunang Dengvaxia, na binili ng gobyerno noong siya pa ang namumuno sa Department of Health.

Nauna nang inanunsyo ng Sanofi Pasteur, ang kompanya na gumawa sa bakuna, na maaaring makaranas ng mas malalang sintomas ang isang taong tinurukan nito habang hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Kuwento ni Tolentino, na sumama kay Garin sa pagdinig, nilagyan ng suwero ang dating opisyal para sa antibiotic at pain reliever habang nasa sasakyan papuntang Senado.

Pansamantala itong tinanggal habang dumadalo si Garin sa pagdinig pero muling tinurok sa kaniya pagsakay sa sasakyan pabalik sa ospital.

Nananatili sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan si Garin para magpagaling.

Sa Huwebes umano maaaring makalabas ang dating kalihim mula sa ospital.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.