Batang Rohingya, 'itinapon sa nasusunog na bahay'

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 09:44 PM | Updated as of Dec 15 2017 05:59 PM

Habambuhay nang dadalhin ng isang babaeng Rohingya ang pilat mula sa mapait na karanasan sa aniya'y militar ng Myanmar.

Tila hindi raw nakontento ang tatlong sundalo sa paggahasa kay Hosni Ara, ginilitan din ang kaniyang mister sa kaniyang harapan.

Hindi rin nilubayan umano ng Myanmar army ang kaniyang mga anak.

Kuwento niya, tinangay ng mga sundalo ang 12 anyos na panganay niyang anak.

Kinuha rin mula sa ginang ang kaniyang 2 anyos na anak at itinapon umano sa nasusunog nilang bahay.

Kabilang si Ara sa mahigit 600,000 Rohingya refugees na nakatira ngayon sa tinaguriang "No Man's Land" sa Tumbro, lugar na hindi na teritoryo ng Myanmar pero hindi pa rin sakop ng Bangladesh.

Doon din ngayon nagtayo ng barong-barong ang dating negosyanteng si Dil Mohammed kasama ang kaniyang pamilya.

Ayon kay Mohammed, taong 2012 pa lang ay tina-target na ang Rohingya na hindi umano kinikilala ng Myanmar bilang lehitimong mamamayan ng bansa kahit pa lahat ng kanilang ninuno, doon na ipinanganak.

Suspetsya pa niya, pilit na itinataboy sa kanilang lupang sinilangan ng Myanmar government ang mga Rohingya na Muslim minority roon para tanging mga Buddhist na mamamayan ang matira sa Myanmar.

Mapapanood ang ikalawang yugto nitong limang parteng special report mamaya sa Bandila.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.