Bagyong ‘Urduja’ magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 05:53 PM

Nag-abiso ang PAGASA Martes na uulanin ang ilang bahagi ng bansa dahil sa bagyong “Urduja.”

Sa inilabas na weather bulletin ng PAGASA nitong alas-4 ng hapon, makararanas ng maulap na panahong may kalat-kalat na pag-ulan o kaya’y thunderstorms ang rehiyon ng Bicol, Quezon Province, at Visayas.

Nakaaapekto rin sa lugar ang isa pang weather system na tail-end of a cold front.

Uulanin din dahil sa bagyo ang Mindanao at MIMAROPA.

Pinaghahanda ang mga residente sa mga nabanggit na lugar sa banta ng flashfloods at landslides.

Uulanin din dahil naman sa tail-end of a cold front ang Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal.

Nakaaapekto naman sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera, at iba pang bahagi ng Central Luzon gayundin sa rehiyon ng Ilocos ang Northeast Monsoon na maaaring magdala ng panaka-nakang pag-ulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.