Amang naghihinagpis: OFW na namatayan ng mag-ina, nakauwi na sa bansa

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 06:59 PM | Updated as of Dec 12 2017 08:11 PM

Dumating na sa bansa ang overseas Filipino worker na asawa at ama ng mag-inang natagpuan patay sa loob ng kanilang bahay sa Cavite.

Hindi mapigilan ni Marlon Gamos ang umiyak nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal Martes ng umaga. 

Ayon kay Gamos, Huwebes ng gabi raw niya huling nakausap ang mag ina na nakatira sa Barangay Navarro sa General Trias. Ipinakita pa niya sa news team ang mga selfie na ipinadala sa kanya ng mag-ina bago sila matulog. 

Nakagawian na umano ni Gamos na makausap ang mag ina tuwing umaga, araw-araw pero nung Biyernes ng gabi, nagtaka na siya kung bakit hindi naka-online ang asawang si Ruby. 

Pinapunta niya sa bahay nila ang kapatid pero nagtaka na ito dahil nakasarado ang ilaw. Umabot nang hanggang Linggo ang paghahanap ni Gamos sa mag-ina. 

Lunes ng umaga, tinawagan niya ang nanay ni Ruby at nang makumpirmang wala sa kanila ang asawa, pina-pwersa na niyang mabuksan ang kanilang bahay. 

Nang mabuksan ang bahay, doon na raw tumambad sa kanyang kapatid ang nakadapang katawan ng mag ina. 

Halos madurog ang puso ni Gamos at napahagulgol siya habang nasa barko. Mabuti't agad siyang tinulungan na makakuha ng flight pabalik ng Pilipinas. 

Hustisya ang panawagan ngayon ni Gamos. 

Ayon sa kanya, napakabait ng kaniyang mag-ina at hindi niya lubos maisip ang sinapit ng kaniyang pamilya. Pwede naman daw na nilimas na lang ang kanilang bahay kaya’t di niya maintindihan kung bakit kinailangan pa silang patayin. 

Nag tatrabaho raw siya at nagsasakripisyo silang magkalayo para sa magandang buhay at ganito lamang ang kanilang kahihinatnan. 

Mensahe nito sa mga pumatay sa kanyang mag ina na sumuko. Sana raw ay maawa at ma-konsensya ang mga ito. 

Nananawagan din ng tulong si Gamos kay Pangulong Duterte na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng mag-ina niya. Sana raw ay ipatupad na ang death penalty lalo na sa mga ganitong kriminal na siguradong nasa impluwensiya ng droga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.