6-anyos na ginahasa, nahawaan ng sakit

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 10:18 PM

Isang 6-anyos na babae ang nahawaan ng gonorrhea, isang uri ng sexually transmitted disease (STD), matapos umanong gahasain ng isang 13-anyos na binatilyo sa Zamboanga City.

Ayon sa pulisya, nangyari ang panghahalay sa loob ng bahay ng binatilyo nitong Sabado.

Magkadikit lang kasi ang bahay ng pamilya ng bata at ng binatilyo.

Dahil halos pamilya na ang turingan nila sa isa't isa, hinayaan ng magulang ng bata na maglaro ito sa loob ng bahay ng binatilyo.

Ayon kay SP01 Janet Arcena, imbestigador ng kaso, posibleng pinilit ng binatilyo ang bata.

Hindi agad pinansin ng ina ng bata nang magreklamo ito ng pananakit ng kanyang pribadong ari.

Inakala kasi ng ina na skin rashes lang ang iniinda ng bata. Pero kinabukasan, ay nagtaka ang ina nang napansin na may dugo sa pribadong parte ng kanyang anak.

Dito na umamin ang bata na ginahasa siya ng kanilang menor de edad na kapitbahay.

Pero lalong nanlumo ang ina ng bata, nang lumabas ang resulta ng medical examination.

Nahawaan daw kasi ng STD ang bata, na posibleng nanggaling sa suspek.

Agad namang inaresto ng pulisya ang binatilyo, pero dahil sa menor de edad ito, sa isang center ng City Social Welfare and Developmentmuna (CSWD) siya diniretso.

Dalawang kaso ang inihain ng pulisya laban sa binatilyo: paglabag sa Anti-Rape Law at Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon naman kay CSWD officer Socorro Rojas, kulang sa atensyon at paggabay ng mga magulang, at explosure sa social media at internet ang ilan sa mga dahilan kung bakit nakagagawa ng isang krimen ang isang menor de edad.

Aniya, importante ang papel ng mga magulang para hinde malihis sa maling landas ang mga bata.

Sa ngayon, mananatili sa isang center ng CSWD ang binatilyo habang hinihintay pa ang resolution ng kanyang kaso o hanggang umabot siya sa legal na edad at pwede nang ilipat sa Zamboanga City Reformatory Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.