19 kabataan, nasagip sa Caloocan

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 12:28 AM

Nailigtas ng mga otoridad ang 19 na kabataan, kabilang ang isang 15-anyos na buntis, sa ikinasang operasyon laban sa human trafficking sa Caloocan City Lunes ng gabi.

Nahuli din ng mga operatiba ng Anti-Trafficking in Persons Division ng Philippine National Police Women and Children Protection Center ang isang 31-anyos na lalaki na aktong ibinubugaw ang mga kabataan sa isang hotel.

Ayon kay Chief Insp. Maimona Macasasa, ibinubugaw umano ng suspek ang mga biktima, kabilang na ang 11 na menor de edad.

Bukas umano sa sexual exploitation ang mga bata dahil pwede silang "i-takeout" ng mga kustomer, dagdag niya.

Nagpanggap na poseur customer ang mga miyembro ng Destiny Rescue, isang international organization na tumutulong sa mga biktima ng human trafficking.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa sa suspek.