Hindi po ako drug lord - Ampatuan mayor

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2016 05:51 PM | Updated as of Dec 12 2016 05:52 PM

Hindi po ako drug lord - Ampatuan mayor 1
Maguindanao Mayor Rasul Sangki. File Photo

MAGUINDANAO - Humarap sa mga residente ng Ampatuan, Maguindanao si Mayor Rasul Sangki upang itanggi ang mga alegasyong siya umano ay sangkot sa iligal na droga.

Humarap si Sangki sa mga residente ng kanyang bayan matapos ang ilang buwang pananahimik nang mapabilang siya sa listahan ng mga umano'y "narco-politician" na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sangki, nakakasira sa imahe ng munisipyo at ng kanyang pamilya ang mga ganitong alegasyon.

"Hindi po ako drug lord," aniya.

Binigyang-diin ng alkalde na suportado niya ang war on drugs ng administrasyon ni Pangulong Duterte, at kailanman ay hindi umano siya nasangkot sa paggamit o bentahan ng iligal na droga.

Sa katunayan, siya pa umano ang nangunguna na masugpo ang problema ng droga sa bayan.

Dalawang beses nang lumantad kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa at sa Department of the Interior and Local Government (DILG) si Sangki upang patunayan na hindi siya sangkot sa iligal na droga.

Sa kabila ng mga pagsubok at problemang kinakaharap nito sa buhay sa ngayon, naniniwala si Sangki na malalampasan niya ito at mabubura rin ang kanyang pangalan sa narco list.