Hepe ng Albuera police, ililipat sa Ozamiz

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2016 02:00 PM | Updated as of Dec 12 2016 03:03 PM

Mula Disyembre 8, 2016, sa Ozamis City na ang bagong assignment ni Chief Inspector Jovie Espenido, ang hepe ng pulis sa Albuera, Leyte. 

Ayon sa tagapagsalita ng Eastern Visayas Regional Police na si C/Insp. Ma. Bella Rentuaya, mula mismo kay Philippine National Police (PNP) Director Ronald "Bato" Dela Rosa ang direktiba.

Hindi pa pinapangalanan kung sino ang kapalit ni Espenido bilang bagong hepe ng Albuera police. 

Si Espenido ang nanguna sa operasyon laban sa Espinosa Drug Group sa nasabing bayan.

Tumulong si Espenido na makagawa ng affidavit si Albuera Mayor Rolando Espinosa matapos itong sumuko sa kinauukulan.

Ngunit ayon sa anak ng alkalde na si Kerwin Espinosa, peke ang mga affidavit na ginawa umano ng ama bago ito napatay sa loob ng kulungan sa Baybay City Sub Provincial Jail.

Ani ng nakababatang Espinosa, hindi sangkot sa droga ang ama at ginawa lamang umano ang mga affidavit dahil sa takot.

Sinabi rin ni Kerwin na tinangka siyang patayin ni Espenido noong nagta-trabaho sila sa magkalabang angkan sa Albuera.

Dagdag niya, humingi noon ng 5% na komisyon sa kanya si Espenido sa mga nabentang ari-arian ng kanilang pamilya.

Sa kaniyang pagharap sa Senado para sa imbestigasyon sa pagkamatay ng kaniyang ama, sinabi ni Kerwin na nagbigay siya ng P8 milyon kay Senador Leila de Lima sa pamamagitan ng driver nitong si Ronnie Dayan, na ipinakilala umano sa kanya ni Espenido.

Inakusahan niya rin si Espenido ng pagkuha ng mga bank deposit slip nang i-raid nito ang kanilang bahay sa Barangay Binolho, Albuera, Leyte noong Agosto. Aniya, ang mga bank deposit slips na ito ang magtuturo sa mga taong nakatanggap ng drug payola mula sa kaniya.

Dagdag pa ni Kerwin, isang Toyota Fortuner na may plate number ABA 6123, na dating pagmamay-ari ng isang "Major Abordo", ang kinuha ni Espenido.

Mariing itinanggi naman ni Espenido ang mga akusasyon ni Kerwin at sinabing hindi siya bababa sa posisyon at mas nanaiising matanggal sa pwesto at ma-destino sa ibang lugar.

- ulat mula kay Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News