Droga, casino tokens, pampasabog nakuha sa piitan ng Camp Bagong Diwa

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Dec 12 2016 04:24 PM

MANILA - Samu't saring kontrabado ang nakumpiska ng pulisya mula sa mga preso sa Camp Bagong Diwa, Taguig, Lunes.

Tinatayang 300 kinatawan ng National Capital Region Police Office, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Immigration ang pumasok sa pasilidad na binubuo ng walong piitan.

Pinalabas muna sa kani-kanilang mga selda ang nasa 5,000 preso habang hinahalughog ng mga awtoridad ang mga piiitan.

Kabilang sa mga nasamsam ang iba't ibang drug paraphernalia, pakete ng shabu, cellphone, matatalim na bagay, pamalo at iba pang armas.

Nakakuha rin ng sangkap ng improvised na pillbox o pampasabog.

Sa piitan naman ng mga banyaga, nakumpiska ng bulto-bultong pera, casino tokens, gadgets at appliances, kabilang ang flat screen TV, mga DVD player, at iba't ibang sim cards.

SULAT KAY DE LIMA

Nakatawag din sa pansin ng mga awtoridad ang liham ng isang banyagang preso na binanggit ang pangalan ni dating Justice Secretary at ngayo'y Senador Leila de Lima.

Napag-alamang ang naturang sulat ay pagmamay-ari ng isang German national na may kasong murder.

Nang ipa-translate ang sulat mula sa wikang Ingles mula German, lumabas na humihingi lang ng tulong ang inmate kay De Lima upang magkaroon siya ng abogado, dalawang taon na nakakaraan.

Nabatid na sumulat ang preso sa isang kaibigan para ito na ang magpadala ng e-mail sa DOJ dahil matagal na umano siyang hindi natutulungan ng German Embassy.

Pinawi rin ng NCRPO ang agam-agam na may kaugnayan ang sulat sa mga alegasyong ipinupukol kay De Lima ukol sa umano'y pagtanggap niya ng suhol mula sa mga high-profile inmate.

APELA NG MMDJ

Inamin ng warden ng Metro Manila District Jail (MMDJ), isa sa walong piitang nasa loob ng Camp Bagong Diwa, na lalo nang naging overcrowded ang kanilang pasilidad mula nang ipatupad ng administrasyong Duterte ang Oplans Tokhang at Double Barrel laban sa iligal na droga.

Ayon kay Supt. Mark Bryan Dirain, sa loob lang ng tatlong buwan ay nag-triple ang bilang ng kanilang mga bilanggo.

Nang maitalaga anya siya bilang warden nitong Setyembre, 650 lang ang mga preso pero lumobo na ito sa 1,800 ngayong Disyembre.

Paliwanag niya, ang MMDJ kasi ang pinaglilipatan sa mga presong hindi na kasya sa iba pang city jail.

"Nagiging congested po ang mga jails natin, maraming nako-commit, hindi naman nadadagdagan ng selda," hinaing ni Dirain.

Umaapela siya sa gobyerno na pagtuunan ng pansin ang pagtatayo ng mas malalaking kulungan.

Aminado rin siyang kulang sila ng tauhan kaya nakakalusot sa inspeksyon ang droga at mga kontrabando sa piitan.

Bukod sa MMDJ, nasa loob din ng Camp Bagong Diwa complex ang Quezon City Jail annex, Manila jail annex, Taguig city jail, Immigration detention facility, special intensive care area, at iba pa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.