2 arestado dahil sa pagbebenta ng pekeng chapa, plaka ng pulis

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2016 06:30 PM | Updated as of Dec 12 2016 07:20 PM

Timbog ang dalawang lalaki matapos mahuling nagbebenta ng pekeng chapa at plaka sa Maynila.

Inaresto ng Manila Police District Station 5 ang dalawang suspek na sina Jake Erojo at Marco Villero matapos ireklamo dahil sa pagbebenta umano ng mga chapa at plate number ng isang volunteer anti-crime group.

Prominenteng nakapaskil sa mga chapa ang salitang “Police” na ayon sa complainant ay ginagamit ng dalawa na pang engganyo sa mga marino sa Kalaw Street.

Siningil diumano ng mga suspek ang isang bumibili ng P4,000 para sa chapa, plaka, posas at membership sa Police Hotline Movement Incorporated, na isang accredited na non-government organization.

Ayon sa mga pulis, bawal ang ginagawang pagbebenta at pag-di-display ng mga suspek lalo na at sa bangketa lang at hindi sa opisina nila ito ginagawa.

Wala ring maipakitang permit o lisensya ang dalawa nang sitahin ng pulis.

Nakumpiska kina Erojo at Villero ang mga chapa, plaka, ID at mga pekeng resibo kung saan nakalagay ang libu-libong transakyson ng dalawa na sa tantya ng mga pulis ay umabot na sa mahigit P100,000.

Nahaharap sa kasong Usurpation of Authority at Fraud ang mga suspek at papakansela din ang accreditation ng Police Hotline Movement sa MPD.