17 CHED directors, hinikayat si Duterte na palitan si Licuanan

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2016 05:48 PM

MANILA - Nanawagan ang 17 direktor ng Commission on Higher Education (CHED) kay Pangulong Duterte na magtalaga ng officer-in-charge na papalit kay CHED chairperson Patricia Licuanan.

Ito'y sa harap ng pagmamatigas ni Licuanan na maghain ng courtesy resignation sa kabila ng utos ni Duterte na huwag na siyang dumalo sa mga Cabinet meeting simula nitong Disyembre 5.

Pinangunahan ni CHED executive director Julito Vitriolo ang pagpapadala kay Duterte ng manifesto of support na pirmado ng 17 CHED director at ilang empleyado ng ahensya.

Hinikayat ng manifesto si Duterte na palitan ng OIC si Licuanan upang magkaroon ang Pangulo ng alter ego na mamumuno sa CHED at kakatawan sa ahensya sa Gabinete.

Bukod dito, nais din ng mga lumagda sa dokumento na punan ng Presidente ang tatlo pang bakanteng posisyon ng CHED commissioner.

Giit ni Vitriolo, na siyang pinakamataas na career officer ng CHED, kailangan ito upang magkaroon pa rin ng ugnayan ang ahensya sa Gabinete at maisakatuparan ang mga pagbabagong gustong gawin ni Duterte sa estado ng edukasyon.

Dagdag niya, naghahanap na rin ng pagbabago ang mga empleyado ng ahensya at hinahangad nila ang maayos na pagpapalit ng pamunuan sa CHED para bumalik na sa normal ang operasyon nito.

Hindi pa masabi kung mayorya sa mga opisyal ng ahensya ang pumirma sa manifesto.

Noong nakaraang linggo, nagpadala rin ng personal na sulat si Vitriolo sa Malakanyang na nagdetalye ng mga nabanggit na hiling.

Lunes ng umaga, nag-walk out si Vitriolo mula sa buwanang meeting ng mga commissioner at direktor ng CHED para anya kwestiyunin ang pagtawag at pamumuno ni Licuanan sa pulong.

Anya, ang pagpigil ni Duterte kay Licuanan na dumalo sa mga Cabinet meeting ay senyales na walang tiwala ang Pangulo sa pamunuan ng ahensya.

Kung hahayaan anyang pangunahan ni Licuanan ang CHED directorate meeting, maaari itong makita bilang pagkontra sa Pangulo at makaapekto sa pagpapatuloy ng mga proyekto ng ahensya.

Kasamang umalis ni Vitriolo si CHED Commissioner Prospero ''Popoy'' De Vera, ang tanging commissioner na itinalaga ni Duterte.

Gayunman, dinepensahan ng ilang mga commissioner si Licuanan kaya nagpatuloy pa rin ang directorate meeting.

Nauna nang nagsabi ang ahensya na hindi kailangan ng CHED Commissioner na magbitiw sa pwesto dahil personal siyang sinabihan ng Pangulo na igagalang nito ang kanyang termino na matatapos pa sa 2018.