PatrolPH

Nasa 300 pamilya, nawalan ng tirahan sa sunog sa Alabang

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2020 06:45 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Mahigit-kumulang 100 bahay ang natupok sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Alabang, Muntinlupa, pasado hatinggabi ng Biyernes.

Apektado ang 300 pamilya na nakatira sa Interior Ilaya sa mahigit 2 oras na sunog.

Ayon kay Fire Supt. Roberto Samillano Jr., city director ng Bureau of Fire Protection (BFP) Muntinlupa, isa ang lugar sa mga fire-prone areas sa lungsod .

Gawa rin sa light materials gaya ng kahoy ang karamihan sa mga bahay kaya pinangambahang mabilis na kakalat ang apoy.

Dahil dito, rumisponde maging ang mga bombero sa mga katabing lungsod ng Las Piñas at Parañaque.

Naapektuhan pa ang responde sa sikip ng daanan papunta sa apoy.

Sabi ni Samillano, buti na lang hindi na tumawid ang apoy sa katabing subdivision dahil napigilan ng mga firewall na dati nang nakakabit.

Naging kontrolado ang apoy bago mag-alas-2 ng madaling-araw, at tumagal pa ng isang oras bago tuluyang naapula.

Samantala, 2 ang naitalang nasugatan sa gitna ng responde.

Natukoy ng bombero ang bahay na pinagmulan ng sunog, pero hindi pa nakakausap ang umuupa rito para malaman kung ano ang naging mitsa ng apoy.

Binuksan ang Alabang Elementary School para sa mga lumikas na residente.

Ayon sa BFP, tinatayang P1-milyon ang halaga ng natupok.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.