PatrolPH

Journalist inaresto sa pagtatago umano ng armas sa bahay sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2020 03:26 AM

Journalist inaresto sa pagtatago umano ng armas sa bahay sa Mandaluyong 1
Pinasok ng Criminal Investigation and Detection Group ang bahay ni Lady Anne Salem ng Manila Today sa bisa ng isang search warrant, at doon nadiskubre umano ang mga armas, ilang bala at granada.

MAYNILA--Isang babaeng mamamahayag ang inaresto ng pulisya dahil sa pagtatago ng armas umano sa kaniyang bahay sa Mandaluyong City nitong Huwebes.

Pinasok ng Criminal Investigation and Detection Group ang bahay ni Lady Anne Salem ng Manila Today sa bisa ng isang search warrant, at doon nadiskubre umano ang mga armas, ilang bala at granada.

Hinuli ang mamamahayag kasama ang isa pang lalaki.

Hindi naniniwala ang kapatid ng journalist na si Jasma Salem na may armas sa bahay nila. Ayon sa kaniya, na-red tag lang ang kaniyang ate dahil sa kaniyang organization na ni-red tag din umano kamakailan.

"Tingin ko iyon ang dahilan kung bakit siya hinuli," aniya.

Dagdag ni Jasma, hindi siya pinayagan na mabigyan ng pagkain si Lady Anne at walang sinabi kung ano gagawin sa kaniya.

Ayon naman sa legal team ni Lady Anne, bigo rin silang makausap si Lady Anne.

"Ginagalang natin 'yung mga protocol pero di naman tayo nakulangan ng pag-a-assert, para i-assert yung right to counsel. Parang di naman yata suspended yung kahit panahon ng pandemic," ani Armado Teodoro Jr. ng ProLabor Legal Center.

Bumuhos naman ang suporta ng National Union of Journalists of the Philippines kay Lady Anne at sa kasamang lalaking inaresto, at ipinanawagan ang kanilang pagpapalaya.

Kinondena naman ng Bayan Muna ang pag-aresto sa journalist dahil nangyari ang naturang operasyon sa gitna ng paggugunita ng International Human Rights Day. 

Nanawagan din sila na tigilan ang red-tagging ng mga kritiko ng pamahalaan. -- Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.