PatrolPH

Cash lanes sa NLEX pinababalik muna habang may aberya sa RFID

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2020 07:34 PM


MAYNILA — Umapela ang gobernador ng Pampanga na pansamantalang ibalik muna ang cash lanes sa mga tollgates ng North Luzon Expressway (NLEX) hangga't hindi pa naayos ang kanilang radio-frequency identification (RFID) system.

Ayon kay Governor Dennis Pineda, halatang hindi pa umano handa ang kompanya na magpatupad ng cashless system sa ngayon.

Sinabi niya ito matapos kastiguhin ng Valenzuela City at mga bayan sa Bulacan ang NLEX dahil sa palyado umano nitong sistema ng RFID sa mga tollgate na nagdudulot daw ng perwisyo sa mga motorista dahil sa traffic.

Mungkahi ni Pineda, buksan muna ang cash lanes para mapabilis ang daloy ng trapiko.

"In-appeal ko na ibalik muna 'yung cash lane, hindi pupuwedeng wala, hindi lahat ng Kapampangan ay makakakuha ng RFID na 'yan," giit ni Pineda. 

Nangako umano ang NLEX na sa loob ng 3 araw ay maglalagay ng cash lanes at magdaragdag ng tao sa mga toll plaza habang inaayos ang kanilang RFID system. 

Sa Valenzuela City, nakatakda nang magpulong ang lungsod at pamunuan ng NLEX sa susunod na linggo.

Pero paglilinaw ni Mayor Rex Gatchalian, hindi ibig sabihin nito ay ibabalik na nila ang business permit ng kompanya.

—Mula sa ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.