Singil sa tubig maaaring sumipa sa pagputol ng concession extension

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 04:58 PM | Updated as of Dec 11 2019 07:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ngayong Miyerkoles ang Maynilad at Manila Water na maaaring sumipa ang singil nila sa tubig dahil sa pagkansela ng gobyerno sa extension ng kanilang concession agreement, na tatagal sana hanggang 2037.

Kinumpirma noong Martes ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Chairman Reynaldo Velasco na kinansela na ang resolusyong nagpapalawig sa kasunduan ng gobyerno sa 2 water concessionaire, na nangangahulugang hanggang 2022 na lang hahawakan ng mga ito ang pag-distribute ng tubig sa Metro Manila.

Ayon sa mga opisyal ng Maynilad at Manila Water, maaaring tumaas ng higit 100 porsiyento ang singil sa tubig dahil sa pagkansela sa kasunduan.

Kaya raw in-extend ng gobyerno ang serbisyo ng 2 concessionaire noon ay para mahabang panahong mahuhulugan ng mga konsumer ang kanilang ginastos sa dagdag-sewerage at sanitation system sa ilalim ng Clean Water Act.

"We’re still computing but definitely it will go very high because the rationale of the extension was to mitigate any spikes in tariff o presyo ng tubig because kailangan mag-invest ng concessionaires nang mas malaki," sabi ni Maynilad president and chief executive officer Ramoncito Fernandez sa pagdinig sa Kamara.

Maging ang ilang opisyal ng MWSS, na nangangasiwa sa 2 concessionaire, ay nangangambang tumaas ang singil sa tubig.

Sa halip daw kasing 17 taon, 3 taon na lang ang natitira para mabawi ng mga concessionaire ang kanilang ipinuhunan sa mga proyekto.

Madadagdagan din daw sa babawiin sa mga konsumer ang P2 bilyong gagastusin ng MWSS, Maynilad, at Manila Water sa Kaliwa Dam project, bukod sa iba pang gastusin.

Magugunitang pinuna kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kasunduan ng gobyerno sa 2 water concessionaire, na nilagdaan noong 1997 sa ilalim ng administrasyon ni Fidel Ramos.

Lugi raw kasi ang publiko at gobyerno sa kasunduan sa mga water concessionaire.

Pinuna ng pangulo ang kasunduan matapos ang ipag-utos ng isang arbitration court sa Singapore sa gobyerno na magbayad ng P7.4 bilyon sa Manila Water.

Ang parehong korte rin ang nag-utos sa gobyerno na bayaran ang Maynilad ng P3.4 bilyon.

Nag-ugat ang mga kaso laban sa gobyerno nang hindi pinayagang magtaas-singil sa tubig ang Manila Water noong 2015.

Pero sa pagdinig sa Kamara noong Martes, pumayag na ang 2 concessionaire na huwag nang pagbayarin ang gobyerno sa mga nalugi sa kanila. Pumayag din silang pag-usapan ang pagsusog sa mga umano ay kuwestiyonableng probisyon ng concession agreement.

CONCESSIONAIRES IPA-AUDIT

Gusto naman ng grupong Bayan Muna, ayon sa chairman nitong si Neri Colmenares, ay ilagay sa kasulatan at pirmahan lahat ng sinabi ng mga opisyal ng Maynilad at Manila Water sa pagdinig sa Kamara noong Martes.

Kailangan din daw i-audit ang Maynilad at Manila Water, at tiyaking wala nang dagdag-singil.

Para kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, dapat talagang baguhin ang concession agreement at ibasura na lahat ng nakatenggang dagdag-singil.

Samantala, muling inihayag ng MWSS at 2 concessionaire na magtutuloy-tuloy hanggang sa tag-init ng 2020 ang water shortage kaya naghahanda sila ng water treatment plants at deep wells. -- Ulat nina RG Cruz at Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.