Popcom: 1 sa bawat 10 babaeng may edad 15-19 maagang nabubuntis

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 07:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kahit hindi binalak ang pagbubuntis, nagpapasalamat ang 16 anyos na si Jasmine Araya sa suporta ng kaniyang pamilya at doktor.

"'Yong pag-inom ng vitamins tapos monthly check-up din po," ani Araya, na nakatakdang magsilang sa Marso.

Pero kung ang Commission on Population and Development (Popcom) ang tatanungin, dapat wala nang menor de edad na nabubuntis sa Pilipinas.

Sa ngayon kasi, isa sa bawat 10 kababaihan na may edad 15 hanggang 19 ang buntis o nakapanganak na.

"The total number of minors giving birth in this country is still over 100,000 a year," ani Popcom Executive Director Juan Antonio Perez III.

Ang problema, ayon sa Popcom, hindi nakararating ang family planning service sa maraming Pilipino, lalo sa mga menor de edad.

Kaya pinapaigting din umano ng komisyon ang kanilang Responsible Parenthood and Family Planning Program, na layong turuan ang mga magulang kung ano ang tamang timing at spacing ng mga anak.

Dapat na rin daw mas marami ang gumamit ng moderno at epektibong family planning methods para mabawasan ang mga nabubuntis nang hindi pinaplano.

Pero inamin ng komisyon na kapos sila sa pondo kaya nanawagan din sila ng suporta mula sa pamahalaan at mga lokal na opisyal.

"The appeal is for Congress to continue supporting the family planning program," ani Perez.

Ayon naman sa Department of Health, mapanganib sa kalusugan ng nanay at sanggol ang maagang pagbubuntis.

Umaabot din umano ng P3 bilyon ang nawawalang kita mula sa sahod dahil sa pagkabuntis ng mga menor de edad. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.