MAYNILA — Inaasahang magiging mabigat ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng EDSA at North Luzon Expressway (NLEX) mula ngayong Miyerkoles hanggang hatinggabi ng Huwebes, ayon sa opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Magkasabay kasing idaraos ang closing ceremony ng 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Tarlac at concert ng Irish band na U2 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Nasa 20,000 manonood ang nasa SEA Games closing ceremony hanggang alas-9 ng gabi habang 45,000 naman ang dadagsa sa Philippine Arena hanggang alas-11 ng gabi, dahilan para magsabay-sabay ang biyahe ng mga tao.
Inaasahan din ang bottlenack sa may Balintawak exit ng NLEX dahil sa konstruksiyon ng Skyway at pagdaan ng mga truck na galing norte.
"Nakikita nating mabigat 9 p.m. to 11 in the evening. Magsisimula po 'yan ng NLEX papasok ng EDSA southbound," ani MMDA Spokesperson Celine Pialago.
"Makakahinga po 'yong EDSA, sa estimate po natin 12:30 [ng hatinggabi] to 1 in the morning," dagdag niya.
Sa New Clark City exit, nagdagdag ng 7 pang toll booth ang NLEX dahil magkakasabay-sabay ang uwian pagkatapos ng SEA Games closing ceremony.
Nasa 114 na convoy ng mga delegado ang tatawid ng NLEX at EDSA ngayong gabi ng Miyerkoles.
May lanes naman na inilaan sa Bocaue exit para sa mga delegado at may exit rin deretsong Balintawak ang mga galing Philippine Arena.
— Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, trapiko, motorista, SEA Games, U2, concert, Southeast Asian Games, North Luzon Expressway, NLEX, EDSA, TV Patrol, Ron Gagalac