Balangiga Bells, balik-Pilipinas matapos ang 117 taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2018 01:55 PM | Updated as of Dec 11 2018 08:35 PM

Iniinspeksiyon ng mga opisyal ang Balangiga Bells na kalalapag lamang ng Pilipinas sa unang pagkakataon matapos ang 117 taon. Christian Esguerra, ABS-CBN News

Matapos ang 117 taon, naibalik na sa Pilipinas ang Balangiga Bells na kinuha ng mga sundalong Amerikano mula sa simbahan sa Balangiga, Eastern Samar sa kasagsagan ng Philippine-American War bilang “war booty”.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumating pasado alas-10 ng umaga ng Martes ang eroplanong C-130 na naglalaman ng tatlong kampana sa Villamor Air Base sa Pasay City, kung saan isinagawa ang handover ceremony at pagpirma ng mga dokumento sa pagbabalik ng mga kampana.

Dalawa sa tatlong kampana ay galing sa F.E. Warren Air Base sa Wyoming sa Amerika, habang ang isa ay galing sa base ng mga Amerikano sa South Korea. 

Matapos lumapag ng eroplano, isa-isang inilabas sa mga crate ang mga kampana para sa seremonya. 

Pinangunahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Executive Secretary Salvador Medialdea, at US Ambassador to the Philippines Sung Kim ang pag-iinspeksiyon sa Balangiga Bells. 

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Lorenzana na isa ang pagbabalik ng mga kampana sa hudyat ng paghihilom ng relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas. 

"It's time for healing, it is time for closure. It is time to look ahead as two nations should with shared history as allies," aniya. 

(Oras na para sa paghihilom at pagsulong sa pagitan ng dalawang magkaalyadong bayan.) 

Hindi man dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdating ng mga kampana sa Pasay, dadalo ang Pangulo sa turnover ceremony ng mga kampana sa Balangiga, Eastern Samar sa Disyembre 15, Sabado. 

Inilagak ang mga kampana sa Air Force Museum para sa public viewing bago ihatid ang mga kampana sa St. Lawrence Church sa Balangiga. 

Ayon kay Philippine Air Force spokesperson Major Aris Galang, masisilayan ng publiko ang mga kampana mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon mula nitong Miyerkoles hanggang Huwebes. 

Boluntaryo namang gagawin ng Filipino-American engineering group na Oneworld Institute ang movable platform na paglalagayan ng mga kampana sa turn-over ceremony nito sa Sabado. 

MATAGAL NANG IHINIHIRIT

Magugunitang hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapabalik sa bansa ng Balangiga Bells, na parte aniya ng kasaysayan ng Pilipinas. 

Pero noon pang 1957, sinikap na ni Fr. Horacio de la Costa ang pagbabalik ng mga kampana at hiniling ito sa Chip Wards, Command Historian ng 13th Air Force sa San Francisco, California.

Isa ring petisyon ang inihain ng Balangiga Historical Society noong 1989 sa harap ng bigong pagsusumikap ng National Historical Institute at ng Department of Foreign Affairs.

Watch more in iWant or TFC.tv

Noon namang 1994, nangako si US President Bill Clinton kay Pangulong Fidel Ramos na ibabalik ang mga kampana. Tinutulan ito ng ilang opisyal sa US. 

Ikinatuwiran ng mga nakipagnegosasyon para sa mga kampana na pagmamay-ari ng Simbahan at hindi ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga kampana para himukin ang Kongreso ng Amerika na maibalik ang pagmamay-ari nito sa Pilipinas. 

Magpapatuloy ang pagsusumikap na maibalik ang mga kampana hanggang sa pagsampa sa pagkapangulo ni Duterte. 

Watch more in iWant or TFC.tv

'EMOSYONAL' NA PAGBABALIK

Naghiyawan at nagpalakpakan ang ilang residente ng Balangiga, Samar nang makita sa kanilang telebisyon ang paglalabas ng mga kampana mula sa crate. 

Isa na rito si Conchita Balais, na nasilayan sa unang pagkakataon ang pagbabalik ng mga kampana sa kaniyang bayan. 

"This is the first time we are seeing our very own bells. We are very much overwhelmed. Happiness is within us," aniya. 

Sabik naman si St. Lawrence Church parish priest Fr. Lentoy Tybaco sa pagbabalik ng mga kampana. 

"I can say I'm a little bit excited and a little bit emotional because at long last we have seen the bells," aniya. 

(Masasabi kong sabik ako at medyo emosyonal dahil sa wakas ay masisilayan na natin ang mga kampana.)

Ikinatuwa naman ni Fe Campanero, apo ni Casiana Nacionales, na kaisa-isang babaeng kasama sa mga nagplano ng pag-atake sa mga Amerikano, ang pagbabalik ng mga kampana. 

"Nu'ng araw na 'yun... She came out from the church as the bells were rung. She waved the rosary beads to signal the attack," kuwento ni Campanero. 

"Maybe I can say the return of the bells give us hope for a more religious and active [Balangiga community]," dagdag niya. 

(Magbibigay ito ng pag-asa para sa mas relihiyoso at mas aktibong komunidad ng Balangiga) 

Ayon pa kay Tybaco, nakatakdang patunugin ang mga kampana sa Misa De Gallo, o Simbang Gabi, ng St. Lawrence Church. -- May ulat nina Christian Esguerra, Zhander Cayabyab, Abner Mercado, at Raphael Bosano, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.