Silang mga bayani: Marawi heroes ng Cordillera pinarangalan

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 04:10 PM

TUBLAY, Benguet - Sa 17 taon paglilingkod sa militar, ilang giyera na ang sinuong ni Staff Sergeant Joel Dumawat. Pero sa pagsabak niya sa giyera sa Marawi, muntik nang matuldukan ang kaniyang serbisyo at maging buhay. 

Nasabugan ng bomba si Dumawat sa gitna ng pakikipaglaban sa mga taga-suporta ng Islamic State. Malubha siyang nasugatan sa paa at tiyan at muntik pang putulin ang kaniyang braso. 

Hindi nakapaglakad ng 5 buwan ang sundalo dahil dito. 

Kuwento ng asawa niyang si Connie, "Medyo mahirap din kasi nga iyung baby namin 2 years old lang. Tapos noong nalaman namin na natamaan siya kami lang ng pamangkin ko ang nasa Manila that time." 
 
Kabilang si Dumawat sa 12 sundalong Cordilleran na nasugatan sa giyera sa Marawi. Siyam na kasamahan naman nila ang nasawi, ayon sa datos ng Philippine Army. 

Pinarangalan ang grupo sa konsiyerto na inorganisa ng Army Reserve Command sa Tublay, Benguet, Linggo. 

Nag-alay ng mga regalo ang residente para sa kabayanihan ng mga sundalo.