Pananagutan ni ex Pres. Aquino sa Dengvaxia, inungkat sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 04:51 PM | Updated as of Dec 11 2017 05:26 PM

Iginiit ng isang senador na may pananagutan si dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III hinggil sa pondong pinambili ng kontrobersiyal ng bakuna kontra dengue.

"Mayroon pagkukulang ang Office of the President na biglang kinuha 'yong pera na nakalaan sa ibang lugar at inilipat sa last minute," pahayag ni Sen. Richard "Dick" Gordon sa pagdinig ng Senado sa isyu ng bakunang Dengvaxia nitong Lunes.

Subalit hindi muna pinadalo sa Aquino sa pagdinig.

"Out of respect for former President Aquino, hindi muna namin siya tinawag dito. Pero hindi ibig sabihin na wala na siyang pananagutan dito," ani Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Nais din ni Gordon na ipaliwanag ni Aquino ang mga pakikipagkita nito sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur, ang French pharmaceutical company na gumawa ng bakunang ipinamahagi sa dengue vaccine program na sinimulan sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Sa isang Facebook post noong Disyembre 7, pinabulaanan ni Abigail Valte, deputy presidential spokesperson noong liderato ni Aquino, na nagkaroon ng lihim na pakikipagkita ang dating pangulo sa mga kinatawan ng Sanofi Pasteur.

Ani Valte, hindi lihim ang pulong na iyon. 

Nabalot sa kontrobersiya ang Dengvaxia matapos ilabas ng Sanofi Pasteur ang pag-aaral na maaring magdulot ng malubhang sintomas ang bakuna kapag naibigay sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Ayon kay Gordon, matapos makipagpulong ni Aquino sa mga tauhan ng Sanofi Pasteur, minadali ang proseso ng pagbili sa Dengvaxia. Umabot sa P3.5 bilyon ang ginastos ng gobyerno sa pagbili ng bakuna.

Tinitingnan din sa pagdinig kung may pagsasabwatan sa pagbili sa bakuna. 

Hindi umano kasi nakalaan ang pagbili sa bakuna sa General Appropriations Act dahil hindi pa natitiyak kung ligtas nang ipamahagi ang bakuna noong mga panahong iyon.

Posibleng ipatawag rin si dating Budget Secretary Florencio Abad sa susunod na pagdinig para talakayin ang pondo para sa bakuna.

Nasabon din sa pagdinig si Kenneth Hartigan-Go, dating undersecretary ng Department of Health (DOH) na kabilang sa isang pulong ng Formulary Executive Council, na nagbibigay ng rekomendasyon sa mga bakuna.

Sinabi ni Gordon na ipit sa "conflict of interest" si Hartigan-Go dahil dati siyang nagtrabaho para sa Zuellig Foundation, habang ang Zuellig Pharmaceutical ang kompanyang distributor o namamahagi ng Dengvaxia. 

Kinuwestiyon rin ni Gordon ang papel ni Hartigon-Go sa pagpayag sa roll-out ng bakuna kahit hindi umabot sa fourth stage ang pagsusuri sa bakuna.

'Experimental rats'

Nanawagan si Health Secretary Francisco Duque sa publiko na huwag mawalan ng tiwala sa mga bakuna sa kabila ng kontrobersiya sa Dengvaxia.

"Please don't let this one event taint the innocence of the other vaccines, because other vaccines have been proven for decades of their protection," ani Duque.

Sinuspinde na ng DOH ang pamamahagi ng Dengvaxia.

Isang ina naman ng 12 taong gulang na batang naturukan ng bakuna ang nagpahayag ng pagkadismaya sa mga opisyal na may kinalaman sa pagbili sa Dengvaxia, partikular kay dating Health Secretary Janette Garin.

"Gusto ko talagang sabihin ito sa mga taong behind this vaccine, especially former Secretary Garin, gusto ko lang ding tanungin sa kaniya kung nakakatulog pa ba siya nang mahimbing kasi kami po ay hindi na," pahayag ni Iris Alpay.

Ayon kay Alpay, mistulang naging daga ang mga batang binigyan ng Dengvaxia para pag-eksperimentuhan ng bakuna.

"Ginawang experimental rats ang aming mga anak," ani Alpay. "Gobyerno ang nagpalagay sa anak namin sa kapahamakan."

Nangako naman si Duque na tutulungan si Alpay at ang iba pa sa higit 830,000 batang nabigyan ng bakuna.

Inilunsad ng gobyerno noong Abril 2016 ang programang nagbibigay ng libreng bakuna kontra dengue sa mga bata sa mga lugar na maraming naitalang kaso ng dengue, kabilang ang Metro Manila, Gitnang Luzon at rehiyon ng CALABARZON.

Walang anomalya

Itinanggi naman ni Garin na may anomalya sa pagbili ng bakuna.

"Sa issue ng pagbili ng bakuna, I categorically deny any wrongdoing. I am not involved in any corruption and I am willing to be investigated," ani Garin.

Ito'y matapos ilabas ng Department of Foreign Affairs ang isang ulat na nagdedetalye sa pagbisita ni Garin sa France noong Mayo 2015.

Nakasaad din sa ulat na nakipagkita ang dating kalihim sa ilang opisyal ng Sanofi Pastuer, ilang buwan bago maaprubahan ang pagbenta ng Dengvaxia sa Pilipinas. 

Pero nilinaw ni Garin na walang malisya ang pakikipagkita nito sa mga tauhan ng Sanofi Pasteur.

Ang Pilipinas ang unang bansa sa Asya na nagpahintulot na ipamahagi ang Dengvaxia sa mga indibidwal edad 9 hanggang 45 taong gulang noong Disyembre 2015.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.