Milyon-milyong halaga ng shabu, nasabat sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 04:19 PM | Updated as of Dec 11 2017 10:18 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nasabat ng mga awtoridad sa isang cargo office sa Pasay ang dalawang kahon ng shabu na nagkakahalagang P57.5 milyon.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino, naharang ang unang kahon na naglalaman ng anim na kilogram ng shabu noong Nobyembre 29. 

Disyembre 4 naman nakuha ang isa pang kahong may 5.5 kilo ng shabu.

Katuwang ng PDEA sa operasyon ang anti-drug operatives ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Idineklara umanong laruan ang mga pakete ng shabu nang idaan ang mga kahon sa x-ray machine sa NAIA kaya nakalusot ito sa screening.

Ipinadala ng isang Tyler Wilson mula California ang mga kahon kina Rogelio Almodiel na taga-Taguig at Hasmine Erquiza na taga-Quezon City.

Kakasuhan sina Almodiel at Erquiza ng paglabag sa Section 4 ng Republic Act (R.A.) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o pag-angkat ng droga.

Samantala, dalawang "big-time" na tulak ng droga ang nahuli ng PDEA sa buy-bust operation sa isang shopping mall sa Pasay nitong Sabado.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Randy Gatdula, 38 taong gulang, at Marita Macatangga, 55 taong gulang. Kapwa nakatira ang mga suspek sa may New Bilibid Prison sa Muntinlupa.

Tinangka nilang bentahan ang isang operatiba ng PDEA ng shabung nagkakahalagang P2.9 milyon.

Nahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa R.A. 9165.

-- May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.