Mga tinted na sasakyan, di nasisita sa 'high occupancy lane'?

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 10:48 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Higit 1,000 sasakyan ang lumabag sa unang araw ng dry run para sa high occupancy vehicle (HOV) lane sa EDSA nitong Lunes.

Sa ilalim ng traffic scheme, tanging mga sasakyang may dalawa o higit pang sakay ang makadaraan sa innermost o panlimang lane sa EDSA.

Bagaman wala munang hinuli dahil pagsubok pa lang, lagpas 1,000 ang nakuhanan ng video na pumasok sa hindi nila lane.

Nakasakote din ng mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may dalang hand cameras ang mga pasaway sa daan.

Pero napatunayang malaking suliranin sa pagpapatupad ng HOV lane ang mga sasakyang tinted.

Halos 4,000 ang dumaan sa HOV lane nitong Lunes pero hindi masipat kung ilan talaga ang nakasakay.

"Hindi naman tayo manghuhuli kung talagang alam naming malabo ang pagkakakuha, kaya ang gagawin natin dito talagang tiyambahan na lang," ani MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia. 

"Bigla na lang itututok 'yan, i-zo-zoom 'yan, kapag zinoom naman, makikita naman pero hindi naman ma-zo-zoom sa lahat so by random din," ani Garcia. 

Sinabi ni Garcia sa mga lumalabag sa batas-trapiko sa EDSA na dapat silang mahiya dahil malaking bahagi sila sa pagkakabuhol-buhol ng trapiko.

"Huwag na tayo mapilitang sumunod dahil may penalty. Ang sa atin, kung alam niyo talagang bawal kayo diyan, huwag niyo na lang po gawin," aniya.

Speed limit, bagong multa

Ipatutupad naman simula Huwebes, Disyembre 14, ang 50 kilometro kada oras (kph) na speed limit para sa mga bus sa EDSA.

Nasa 60 kph naman ang speed limit para sa mga pribadong sasakyan.

Pagmumultahin ng P1,200 ang mga mahuhuling lalagpas sa speed limit.

Pinakakalma din ng MMDA ang publiko tungkol sa planong pagtaas ng mga multa sa top 20 traffic violations.

Ayon sa MMDA, posibleng sa Hunyo 2018 pa maipasa ang bagong multa para sa mga lalabag sa batas-trapiko.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.