Lalaking nang-awat ng gulo, nasaksak

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 10:14 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sugatan ang isang lalaki matapos masaksak habang inaawat ang gulong kinasangkutan ng kasamahan sa Sampaloc, Maynila noong Linggo ng gabi.

Nasaksak ang lalaking kinilalang si Mark Sarmiento sa gitna ng bugbugan ng ilang lalaki sa Barangay 418 sa Sampaloc, kasabay ng pagdiriwang ng pista sa lugar.

"'Yong pag-awat ko, binugbog agad ako ng isang kasama niya," ani Sarmiento.

Kinilala ang nakasaksak bilang si Arnel Quinabo, na bigla na lang pinagpapalo ng panig nila Sarmiento habang naglalakad.

"Umiwas na kami, lumayo na kami hanggang naabutan nila kami, pinagpapalo na kami," ani Quinabo.

Pinagpapalo rin ng tubo ang kapatid ni Quinabo bago kinuha ang bag nitong may lamang P3,000.

Sa pagdipensa, nasaksak ni Quinabo si Sarmiento gamit ang isang cutter.

Nagtamo naman ng bali sa ilong at benda sa ulo si Quinabo dahil sa gulo.

Kuwento ni Sarmiento, ang kasamahang si Joey Albania ang nambugbog kay Quinabo dahil umano sa kalasingan.

Ayon kay Barangay Chairman Jonas Bartolome, matagal na umanong pinaghahanap si Albania at may reklamo na laban dito sa apat na barangay.

Noong Linggo ng gabi, tatlong gulo ang naitala sa barangay.

Inaasahang dadami pa ang mga insidente ng gulo lalo't mas maraming pagdiriwang at inuman ang inaasahan habang papalapit ang Pasko.

Payo ng mga awtoridad na maghinay-hinay sa pag-inom lalo na kung hindi kayang kontrolin ang kalasingan.

"Ang pag-iinom, ilagay sa tiyan, huwag nating ilagay sa ulo upang maiwasan natin ang kaguluhan," ani Police Officer 3 Danilo Encina ng Manila Police District.

Kung hindi maiwasang dumayo sa inuman, mainam umanong huwag nang gumala sa gabi at makitulog na lang para maiwasang mapag-initan at masangkot sa gulo.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.