Halos 30 aso na dadalhin sa dog show, namatay matapos mapabayaan

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 10:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kakasuhan ang isang lalaking nakapatay umano ng aabot sa 30 aso matapos isakay sa isang van na walang tamang bentilasyon.

Kinumpirma ng Philippine Canine Club Inc. (PCCI) na miyembro nila ang umano'y nagsakay ng mga aso sa van na dadalhin sana sa isang dog show sa Marikina noong Disyembre 2.

Pero nang buksan ang van sa activity center, natagpuang patay sa dehydration at heat stroke ang halos 30 aso.

Kumalat pa sa social media ang video ng mga aso na tila wala nang malay at nakahandusay na lang sa sahig. Ang ilan pa sa kanila'y pilit na muling buhayin.

Agad sinuspinde ng PCCI ang kanilang miyembro habang iniimbestigahan ng kanilang board of directors ang insidente.

Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), puwedeng humarap sa kasong kriminal ang may-ari ng mga aso bunsod ng paglabag sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act.

Nangangalap na rin ng mga ebidensiya at testigo ang PAWS para sa kasong balak nilang isampa laban sa may-ari.

"Dapat pag-nag-transport ng animal, may proper ventilation, hindi talaga acceptable sa truck or sa lalagyan ng luggage," ani PAWS Executive Director Anna Cabrera.

Ayon naman sa Animal Kingdom Foundation, sa ilalim ng inamyendahang batas, lahat ng hayop ay bawal patayin maliban sa mga tinaguriang "animals used for food" o iyong mga kinakain gaya ng mga baka at manok.

"Whether you intentionally killed the dogs, you neglected eh, the law penalizes the neglect," ani Atty. Heidi Caguioa ng Animal Kingdom Foundation.

Sinubukan ng ABS-CBN News na makipag-ugnayan sa may-ari ng aso sa pamamagitan ng PCCI pero hindi ito tumutugon.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.