Dry run ng HOV lane, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 08:24 AM | Updated as of Dec 11 2017 09:31 AM

MANILA - Nagsimula na ang dry run ng high occupancy vehicle (HOV) lane sa EDSA, Lunes.

Sa ilalim ng naturang traffic scheme, tanging mga sasakyang 2 o mahigit ang sakay ang makadaraan sa innermost o panlimang lane, ayon kay Jojo Garcia, assistant manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Maaari rin aniyang dumaan ang mga HOV sa pangatlo at ika-apat na lane na bukas sa iba pang private vehicle, kabilang ang mga isa lang ang sakay.

Nakalaan naman sa mga pampublikong sasakyan ang una at pangalawang lanes o yellow lanes.

Paiiralin ang no contact policy sa pagsita sa mga motoristang lalabag sa mga lane sa tulong ng 37 CCTV camera na nakabantay sa EDSA, sabi ni MMDA spokesperson Celine Pialogo sa panayam ng Umagang Kay Ganda.

Hindi pa aniya pagmumultahin ang mga magkakamaling motorista sa ilalim ng HOV lane dry run.

Samantala, kinumpirma rin ni Garcia na nais ng MMDA at mga alkalde ng Metro Manila na itaas ang multa para sa mga paglabag sa batas-trapiko.

Aniya, "Sana po ay itaas natin nang kaunti para magkaroon po talaga ng ngipin ang batas natin."

Pinag-aaralan din aniya nila ang pagbabawal sa mga motorcycle rider na dumaan sa EDSA para mabawasan ang mga aksidente at maibsan ang trapiko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.