Bangkay ng lalaki, balot ng tape ang mukha

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 10:41 PM

CALAMBA CITY - Halos walang saplot at may balot na packaging tape ang mukha ng isang bangkay ng lalaki na natagpuan sa Barangay Makiling, Calamba City Linggo ng gabi.

Una umanong nai-report ng isang napadaang residente sa lugar ang bangkay. Nang tingnan ng mga rumespondeng pulis ang bangkay, nakitang may tama ito ng bala sa ulo.

"We found a dead body, a heavy set, almost naked man, wearing only underwear and apparently he has a gunshot wound in the head and that yung eyes and mouth area niya in the head is covered," ani Police Supt. Sancho Celedio, hepe ng Calamba City Police.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya pero hinala nila, sinadyang itapon ang katawan ng lalaki sa lugar.

Dahil nakabalot ng packaging tape ang mukha ng lalaki, hirap ang pulisya na matukoy ang pagkakakilanlan nito. Hinihintay pa rin umano nila ang magiging resulta ng physical investigation mula sa PNP Scene of the Crime Operations.

Nananawagan ang Calamba City Police sa sinumang posibleng nakakakilala sa natagpuang lalaki.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.