2 patay sa insidente ng pamamaril sa loob ng kulungan sa Tarlac

Ron Lopez, DZMM

Posted at Dec 11 2016 10:39 PM

MANILA -- Dalawa ang kumpirmadong patay, kabilang na ang isang jail officer, matapos magkaroon ng putukan sa loob ng isang selda sa kulungan sa bayan ng Camiling sa Tarlac na nauwi pa sa hostage-taking Linggo.

Sa isang panayam sa Radyo Patrol, sinabi ni Chief Supt. Aaron Aquino, hepe ng Central Luzon Police, dakong 10:20 ng umaga nang mang-agaw ng baril ang presong kinilalang si Rolly Falcon at pinaputukan ang hindi pa pinangalanang babaeng jail officer na agad na binawian ng buhay.

Nauwi aniya sa engkwentro ang pamamaril ni Falcon kaya't napatay ito ng mga rumespondeng pulis. Nasugatan naman ang dalawang ibang pang jail officer at isa pang preso.

Matapos nito ay tumakas ang dalawang iba pang preso na kinilalang si Drackilou Falcon at Marlon Altizu.

Ayon kay Aquino, nang habulin ng pulisya si Altizu ay nang-hostage ito ng isang anim na taong gulang sa kalapit na lugar. 

Ngunit matapos ang ilang oras na negosasyon ay sumuko rin ang suspek at ligtas na napakawalan ang bata pasado 4 ng hapon habang balik selda naman ang nasabing suspek. 

Nagsasagawa ngayon ang follow-up operation ng Tarlac police upang maaresto ang isa pang nakatakas na preso,

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.