PatrolPH

Umano'y illegal recruiter na nag-aalok ng trabaho abroad tiklo sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2022 04:32 PM

MAYNILA - Arestado ang isang umano'y illegal recruiter na kinukuhanan ng P100,000 ang kaniyang mga biktima kapalit ng trabaho sa ibang bansa. 

Una nang inireklamo ni Jan Michael ang suspek na si Janet, na inaresto ng mga awtoridad ng CIDG Zambales Field Unit sa Mabalacat, Pampanga. 

"Pinapaasa nya po kami sa mga flights... out ang pinakamalaki kong napadala is P15,000," ani Jan Michael. 

Pero matapos ang ilang buwan, hindi pa rin nakaalis si Jan Michael at ang kaniyang mga kasama, pero tuloy pa rin daw ang paghingi ng pera ng suspek kaya nagdesisyon na sila na sumangguni sa police Criminal Investigation and Detection Group. 

Isang entrapment operation ang naikasa nang tanggapin ni "Janet" ang pera mula sa biktima. 

"Nagpupunta sya mga religious groups [at] nag aalok na magpaalis papuntang abroad. Doon siya naghahanap ng mabiktima," ani Ronald De Leon ng CIDG Zambales. 

Dati nang may warrant para sa estafa at illegal recruitment si Janet, na tumangging magbigay ng pahayag. 

Kakasuhan siya ng extortion at illegal recruitment. 

Paalala ng CIDG, dumiretso dapat sa POEA kung balak magtrabaho sa ibang bansa at huwag maniwala sa mga alok na tulong mula sa hindi lisensiyadong ahente.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.