PatrolPH

Magkaibigan patay sa rambol sa Misamis Oriental

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2021 10:51 PM

Patay sa pananaksak ang isang magkaibigan sa isang rambol sa bayan ng Manticao, Misamis Oriental, Huwebes ng gabi.

Ayon sa Manticao COP na si Police. Maj. Renz Marion Serrano, pauwi na ang sina Eljan Baculong at Andrew Tacbobo mula sa isang Christmas lighting ceremony nang madaanan nila ang ilang nag-iinumang mga kaibigan.

Nagsimula ang away nang pinansin sina Tacbobo at Baculong ng mga kasama ng kanilang mga kaibigan. 

“Sinabihan sila (Tacbobo at Baculong) na, ‘umalis na kayo dito baka saksakin ko kayo,’“ ani Serrano. 

Nagkasuntukan ang dalawang grupo bago nasaksak ang mga biktima. 

Agad na rumesponde ang mga awtoridad na malapit sa pinangyarihan sa krimen, at dalawang suspek ang nahuli. Isa sa mga suspek ay 17-anyos lang.

Dinala sa ospital sina Tacbobo at Baculong pero idineklara na silang dead-on-arrival ng mga doktor.

Kakasuhan ng kasong homicide ang mga suspek.

— Ulat ni Roxanne Arevalo

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.