SUV nabangga sa motor, dumiretso sa palayan sa Davao del Sur; 9 sugatan

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 08:06 PM

Sugatan ang siyam na tao matapos magbanggaan ang isang SUV at motorsiklo sa Purok 5, Barangay Barayong sa bayan ng Magsaysay Martes ng umaga.

Nakabangga pa ang SUV ng isang Indian tree bago dumiretso sa palayan.

Wasak ang harapang bahagi ng SUV, pero suwerteng sugatan lamang ang 7 tao na sakay nito. Kritikal ang driver na si Mark Tilap, ayon sa pulisya.

Sugatan din ang driver ng motor at angkas na estudyante.

Base sa imbestigasyon ng Magsaysay Police, biglaang lumiko sa kabilang lane ang SUV, kaya nangyari ang aksidente.

Hindi pa masabi ng pulisya kung nakatulog o nakainom ng alak, o kaya aksidente lang ang driver.

"So far, akong naistorya ang mga pasahero sa Ford Everest, ingon sila nga wala sila kabantay kay kalit ra gyud daw ang nahitabo nga nisimang ang sakyanan, kay ang driver di naman nako ma-storya," ayon kay Police Master Sergeant Ramil Locostales Jr., traffic investigator ng Magsaysay PNP.

(So far, nakausap ko ang mga pasahero ng SUV, sabi nila, hindi nila namalayan dahil biglaan ang nangyari, na napadpad sa kabilang lane ang sasakyan, kasi ang driver hindi ko pa makausap.)

Ginagamot na sa ospital ang mga sugatan sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.