Pulisya iniimbestigahan ang pagdukot sa babaeng Chinese sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 01:33 PM | Updated as of Dec 10 2019 06:56 PM

Watch more in iWantTFC

Iniimbestigahan ng Makati police ang hinihinalang pagdukot sa isang babaeng Chinese sa may business district ng lungsod noong gabi ng Lunes.

Sa video ng nakunan ng isang testigo, mapapanood ang pagsakay ng 2 lalaki sa babae sa isang van pasado alas-9 ng gabi sa may kanto ng Paseo de Roxas at Perea Street. Maririnig din sa video ang walang tigil na pagsigaw ng babae.

Kita rin sa video ang mabilis na pag-alis ng van kahit nakabukas pa ang sliding door nito.

Isang babaeng Chinese ang pinasok sa van at posibleng kakilala niya ang mga nandukot sa kaniya dahil may mga nakakita raw na lumapit muna siya sa van bago pinilit na ipasok, ayon kay Makati police chief Col. Rogelio Simon.

"The victim na pinipilit ipasok sa van is Chinese, babaeng Chinese," ani Simon.

"Ang assessment namin tinatago rin ang kanyang identity kasi naka-face mask din para hindi siya makilala," aniya.

Natunton ng mga awtoridad ang plaka ng van sa ibang behikulo, isang L300 van, ayon kay Simon.

Narekober sa lugar na pinangyarihan ng umano ay pagdukot ang isang sobreng naglalaman ng deed of sale ng isang sasakyan sa pagitan ng 2 Chinese at mga photocopy ng Chinese passport. Nahulog umano ito habang tumatakas ang van.

Tinitingnan ng pulisya kung may kinalaman sa Philippine offshore gaming operations o online Chinese companies ang insidente.

"Ang tinitingnan namin usually na cases ay mga POGO o online companies na Chinese na 'yong kanilang employees mismo nakakagawa ng kasalanan," ani Simon.

Inimbitahan ng pulisya ang mga Chinese na nakapangalan sa mga nakuhang dokumento.

Pinayuhan din ni Simon ang publiko na huwag maging padalos-dalos kung makakita ng hinihinalang krimen.

Nanawagan din si Simon sa mga tao na maging responsable sa pag-post online at ilapit sa mga awtoridad ang ano mang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.