Oil tanker mula Brunei, sumadsad sa pampang ng Patar Beach

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 08:15 PM | Updated as of Dec 10 2019 08:26 PM

BOLINAO, Pangasinan—Isang oil tanker ang sumadsad sa pampang ng Patar Beach sa bayang ito matapos masiraan.

Inayos pa muna ang gagamiting floater para tuluyan nang matanggal ang sumadsad na tanker.

Kuwento ng ilang residente, Linggo ng gabi nang mapansin nilang papalapit ang barko.

Agad naman nila itong ini-report sa awtoridad, at napag-alamang isa itong motor tanker vessel mula Brunei at papunta sana sa China ngunit sumadsad sa pampang dahil sa engine failure.

May karga itong 15,000 metric tons o 15 million litro ng produktong petrolyo.

Kasalukuyang nakabantay ang Environment and Natural Resources Office Western Pangasinan at Philippine Coast Guard sa isasagawang pagtatanggal ng barko lalo't may posibilidad na may nasirang mga coral sa lugar dahil snorkeling spot ito ng mga turista.

Sa report ng pulisya, nasa 20 Chinese national at 3 Myanmar citizens ang tripulante ng barko. Dadaan ang mga ito sa quarantine check-up.

Hiling ngayon ng mga residente na maging maayos ang pagtatanggal sa barko para di madagdagan ang pinsalang dala ng pagsadsad nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.