Babaeng Chinese dinukot ng mga lalaking sakay ng van sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 05:03 AM | Updated as of Dec 10 2019 06:42 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATED) —Iniimbestigahan ng pulisya ang pagdukot sa isang babaeng Chinese sa gilid ng kalsada sa Makati City Lunes ng gabi.

Sa isang video, maririnig ang sigaw ng babae sa loob ng gray na van na nakatigil sa Paseo de Roxas malapit sa kanto ng Perea St. pasado alas-9 ng gabi.

Nakabukas ang pinto ng sasakyan at kitang may nakalabas na mga paa habang kumaripas ang van ng takbo. 

Kuwento ng testigong si alyas Michael, pilit na isinasakay sa sasakyan ng 2 lalaki ang biktima na nakasuot ng face mask.

"Akala ko no'ng una, away mag-jowa, 'yon pala iba," aniya.

Gusto sanang tulungan ni Michael ang babae pero natakot ito na madamay.

"Nakakatakot din po kasi baka may dala 'yong kumidnap kaya wala nang nakialam," aniya.

Watch more in iWantTFC

Ayon sa pulisya, posibleng kakilala ng babae ang mga lalaking sakay ng van.

Sinisilip ng mga pulis ang ibang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar para makumpirma ang kuwentong ito. 

Natunton din nila ang nakitang plaka ng van, pero nakarehistro ito sa isang L300 van na walang record sa mga awtoridad.

Narekober din nila sa lugar ang isang envelope na naglalaman ng photocopies ng Chinese passports at deeds of sale ng mga sasakyan.

Aminado ang mga pulis na ngayon lang may napaulat na ganitong uri ng insidente sa lungsod, pero hindi na bago sa kanila ang mga kaso ng kidnapping ng mga Chinese.

"Ang tinitingnan namin usually na cases ay mga POGO (Philippine offshore gaming operations) o online companies na Chinese na 'yong kanila ng employees mismo nakakagawa ng kasalanan o may mga ninanakaw sa company at iyon nga, 'pag naisagawa na ang pagnanakaw, nagtatago na ang empleyado," ani Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City police.

Iimbitahin ng pulisya para sa interview ang mga Chinese na nakapangalan sa nakuha nilang dokumento. Patuloy rin ang kanilang pagsuyod sa posibleng dinaanan ng sasakyan.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.