Truck sa aksidente sa Santa Rosa, 'di rehistrado'

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2018 07:33 PM | Updated as of Aug 25 2019 04:17 PM

Watch more in iWantTFC

Lumang modelo at hindi rehistrado ang truck na sangkot sa aksidente sa Santa Rosa, Laguna kung saan anim na tao ang patay at 14 ang sugatan, sabi ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay LTO Law Enforcement Service Director Francis Almora, taong 2000 pa ang modelo ng trak na huling nairehistro noong 2016.

"Hindi po siya registered noong 2017 at 2018," ani Almora.

Pasado alas-11 ng gabi noong Sabado nang araruhin ng truck na may kargang mga bakal ang 16 sasakyan, dalawang motorsiklo, at isang traysikel bago sumalpok sa isang bahay at bakery sa may Santa Rosa-Tagaytay Road.

Ang truck ay pag-aari ng La Fortunata Hauling Services.

Ayon kay Darren Dastas, anak ng may-ari ng La Fortunata, handa nilang sagutin ang lahat ng gastusin sa aksidente.

Pero ayon sa kaanak ng mga nasawi, wala pang lumalapit sa kanila para magbigay ng tulong.

Idinaing din ng mga kaanak na problemado sila ngayon sa gastusin sa ospital at burol ng mga biktima.

"Masyado pong malaki ang halaga ang hinihingi nila sa akin, wala ho akong ibibigay," sabi ni Minerva Delizo, kaanak ng isa sa mga biktima.

"Paano gagawin ko, ang aking utang sa ospital ay napakalaki?" sabi naman ni Nelia Sumadsad, na namatayan ng anak sa aksidente.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa nakatakas na driver ng truck.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.