Palasyo, dumistansiya sa 'oust Duterte' post ni 'Pulong'

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2018 10:23 PM | Updated as of Aug 25 2019 03:59 PM

Presidential son Paolo Duterte (gitna). George Calvelo, ABS-CBN News

Walang nakikitang dahilan ang Malacañang para makialam pa sa isyung kinasasangkutan ni presidential son Paolo "Pulong" Duterte, na naglabas sa social media ng mga pangalan ng mga umano ay bahagi ng isang plano para pabagsakin ang administrasyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nirerespeto ng Palasyo ang freedom of expression ni Paolo at hindi daw nakikisawsaw si Pangulong Rodrigo Duterte sa opinyon ng kaniyang mga anak.

"The president, as a policy, does not talk to the children with respect to their principled positions or political decisions," sabi ni Panelo.

Watch more in iWant or TFC.tv

"The president respects so I'm sure the former vice mayor is competent enough to explain his position on the matter," dagdag ni Panelo.

Dating nagsilbing vice mayor ng Davao City si Paolo.

Magugunitang dati nang sinabi ng Malacañang na lahat ng banta sa seguridad ng pangulo ay seryosong iniimbestigahan.

Pero ngayon, sinabi ni Panelo na hindi iuutos ni Duterte na imbestigahan ang mga paratang ni Paolo.

Sa isang social media post, na ngayon ay nabura na, pinangalanan ni Duterte sina Vice President Leni Robredo at ilan pang taga-oposisyon na kasama sa mga umano ay nagpaplanong pabagsakin ang administrasyon.

Binalewala naman ni Robredo ang paratang.

"Baka nagbibiro lang naman iyon, parang hindi naman seryoso," sabi ni Robredo.

Kasama din sa listahan ni Paolo ang ilang mga obispo ng Simbahang Katolika gaya nina retired Davao bishop Leo Drona na sinasabing naka-wheelchair na.

Napasama din sa listahan si Bishop Julio Labayen kahit pumanaw na ito noon pang 2016.

Nabahala naman si Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng public affairs committee ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, sa paratang ni Paolo.

"Sana maiwasan din 'yong mga ganoong pananalita kasi nakakasira din naman ng institusyon, nakakasira ng tao," ani Secillano.

--Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.