Pabalik na ng PH: Balangiga Bells, dumating sa Japan

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2018 08:19 PM

Watch more in iWantTFC

Dumating sa Japan ngayong Lunes ang mga kampana na tinangay ng puwersa ng mga Amerikano mula sa simbahan sa Balangiga, Eastern Samar sa kasagsagan ng Philippine-American War noong 1902.

Itinatago ang Balangiga Bells sa mga kahon na binabantayan ng mga sundalong Amerikano sa isang base militar sa Okinawa, Japan, base sa mga retratong ipinadala ng embahada ng Amerika.

Nakatakdang ihatid ng eroplano ng US Army sa umaga ng Martes ang mga kampana papuntang Villamor Air Base sa Pasay City.

Ayon kay US Embassy Press Attaché Molly Koscina, gaya ng mga Pinoy ay natutuwa rin ang embahada ng Amerika dito dahil isang kabanata ng kasaysayan ang maisasara sa pag-uwi ng mga kampana.

Pero aminado rin siyang hindi madali para sa ilan nilang kababayan na bitiwan ang mga kampana, na alaala umano sa pagkamatay ng mga sundalo sa Philippine-American War.

"Lives were lost on both sides and it's never easy to give up something that you see as a memorial to people who did pass away," ani Koscina.

Pamumunuan sa Martes ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim ang paghatid sa Balangiga Bells, na kinuha ng Amerika bilang "war trophy" 117 taon na ang nakalilipas.

Dalawa sa tatlong kampana ay nanatili sa Wyoming sa Amerika habang ang isa ay nasa puwersa ng mga Amerikano sa South Korea.

Hindi na naman dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdating ng mga kampana sa Pasay, taliwas sa orihinal na plano, ayon sa Palasyo.

Ayon sa Department of National Defense, matapos ang seremonya, bubuksan sa publiko ang Villamor Air Base para mabigyan ng pagkakataong makita ang mga kampana ng Balangiga habang nasa Maynila.

Nakatakda namang ihatid ang mga kampana sa simbahan sa Balangiga sa Sabado, Disyembre 15.

Inaabangan naman ng mga taga-Balangiga ang pagbabalik ng mga makasaysayang kampana.

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Fr. Lentoy Tybaco, kura paroko ng Church of San Lorenzo de Martir o "Balangiga Church," higit pa sa pagiging "war trophy" ng mga Amerikano ang tunay na kahulugan ng mga kampana.

"Simbolo 'yan ng malalim na pananampalataya. At the same time, sumisibolo siya ng pagkakaisa," ani Tybaco.

Patapos na rin ang pag-aayos sa plaza kung saan inaasahang maiipon ang mga residenteng sabik nang makita ang mga kampana.

-- Ulat nina Jorge Cariño at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.