Lambanog na sinisisi sa ilang pagkamatay sa Bulacan, susuriin

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2018 10:01 PM | Updated as of Aug 25 2019 04:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isasailalim sa pagsusuri ang sample ng lambanog na nakuha ngayong Lunes ng mga awtoridad sa Pandi, Bulacan, na sinisisi sa pagkamatay ng tatlong tao.

Dadalhin ng Pandi police sa kanilang crime lab ang sample ng lambanog, na nakuha nila sa bahay ng isang tindero nito na pumanaw noong nakaraang Lunes.

Ang naturang tindero ang nagbenta umano ng lambanog sa magbalae na sina Rolando Beltran at Jerry Tumbaga na magkasunod na namatay noong nakaraang linggo kasunod ng kanilang pagdalo sa isang pagdiriwang sa kanilang lugar, kung saan nakainom umano ang dalawa ng lambanog.

Ayon sa kaanak ng tindero, hindi nila alam kung sino o saan kinukuha ang lambanog.

Base sa death certificate ng tindero ng lambanog, coronary artery disease o sakit sa puso ang ikinamatay nito noong Lunes.

Acute respiratory failure naman ang sanhi ng pagkamatay na nakasaad sa death certificate ni Tumbaga, habang cardiorespiratory arrest naman ang kay Beltran.

Ilan lamang ang tatlong nasawi sa Pandi sa mga kaso ng pagkamatay na hinihinalang dahil sa lambanog.

Hindi bababa sa 10 ang bilang ng mga umano ay namatay sa pinahihinalaang pagkalason matapos uminom ng lambanog sa Laguna at Quezon City noong nakaraang linggo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa San Juan, Batangas naman, kung saan ipinagdiriwang ang Lambayok Festival o pista ng lambanog, nangangamba ang ilang gumagawa at nagtitinda ng lambanog sa paghina ng kanilang mga hanapbuhay dahil sa mga kaso ng mga umano ay pagkalason dahil sa lambanog.

Pinag-aaralan na ng mga maglalambanog kung paano maipapaalam sa publiko na ligtas ang kanilang produkto.

-- May ulat nina Kevin Manalo at Val Balita, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.