Transport groups nagprotesta laban sa mga 'paglabag' sa karapatan

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2017 12:01 PM

MANILA - Nagprotesta ang ilang transport group sa Mendiola, Maynila mula Sabado ng gabi hanggang Linggo ng umaga upang kondenahin ang umano'y paglabag ng pamahalaan sa mga karapatan ng kanilang sektor. 

Nagsimula ang protesta sa candle lighting vigil para kay George San Mateo, lider ng Piston jeepney group, na nalabag umano ang karapatan nang arestuhin noong nakaraang linggo dahil sa pangunguna sa isang tigil-pasada noong Pebrero. 

Tinututulan ni San Mateo ang PUV modernization program ng pamahalaan, na magsisimula sa phaseout ng mga lumang jeep sa Enero. Nakalaya siya matapos maghain ng P4,000 na piyansa. 

Dumalo si San Mateo sa vigil na pinangunahan ng Piston at No to Jeepney Phaseout Coalition.

Ngayong Linggo ng umaga, dumiretso ang grupo sa Pedro Gil at Liwasang Bonifacio para gunitain ang International Human Rights Day at tuligsain naman ang umano'y brutal na polisya ng gobyerno laban sa mga mahihirap. 

Una nang iginiit ng Malacañang na walang harassment sa pagdakip kay San Mateo, na dati nang binalaan laban sa pagsasagawa ng tigil-pasada para tutulan ang jeepney modernization program ng pamahalaan. 

Sa isang pahayag ngayong Linggo, sinabi rin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isinusulong ng pamahalaan ang karapatang pantao sa pamamagitan ng paglaban sa kahirapan. 

Inaprubahan na aniya ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang naturang hakbang ng gobyerno. -- May ulat nina Michael Delizo at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.