Ospital na nangasiwa sa pagturok ng Dengvaxia sa mga pulis, nag-sorry

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2017 04:28 PM | Updated as of Dec 10 2017 08:30 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagkaroon ng dayalogo ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at mga opisyal ng Philippine Children's Medical Center (PCMC) kaugnay ng kontrobersiyal na bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

Ang nasabing ospital kasi ang nangasiwa sa pagturok ng Dengvaxia sa mga pulis QC.

Higit 800 pulis at 500 pa nilang kaanak ang naturukan ng Dengvaxia.

Ani SPO1 Wilfredo Macam, nangangamba siya hindi lamang para sa sarili kung hindi para sa kaniyang misis at 11 anyos na anak na nabakunahan din ng nasabing gamot.

"Yung worry namin na nagpapabigat sa amin [ay] baka kung ano mangyari sa anak ko eh," ani Macam.

Humarap naman sa kanila si Dr. Julius Lecciones, executive director ng PCMC na siya ring nangasiwa sa vaccination program sa mga pulis.

Nagbigay naman ang PCMC ng orange cards para sa libreng medical assistance sakaling makaramdam ang mga pulis ng sintomas ng dengue.

Kabilang si Lecciones sa mga ipinatawag ng Senado para sa isasagawang imbestigasyon sa Lunes ukol sa kontrobersiyal na bakuna.
    
Pero giit niya, hindi minadali ang procurement ng bakuna, taliwas sa lumalabas na isyu na maaaring may kumita sa kasunduan.

"Sa 5 years namin sa PCMC, sa mga procurement namin, sa mga bidding, iyan pong [Dengvaxia] ay within the range of the duration of the bidding that we do for all the supplies in our hospital," paliwanag ni Lecciones.

Suspetsa naman ni Health Secretary Francisco Duque III, may itinagong impormasyon ang Sanofi Pasteur kaugnay sa kalidad ng kanilang bakuna.

"Ang kutob ko mukhang may alam itong Sanofi na hindi sinabi nung anti-mano na kinomercialize nila 'yung bakuna eh. Tingin ko baka may mga information na hindi na-disclose," ani Duque. 

Kung si Senador JV Ejercito naman ang tatanungin, mas mainam aniya na sa Enero na lamang gawin ang hearing sa panahong nandito na ang mga kinatawan ng Sanofi at World Health Organization.


-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.