Miyembro ng 'Sputnik,' tiklo matapos mangholdap sa jeep

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2017 09:50 AM

MANILA - Inaresto ang isang miyembro ng "Sputnik" street gang matapos umanong mangholdap ng pasahero ng jeep sa Aurora Boulevard, Pasay, Sabado ng gabi. 

Kuwento ng biktima, pauwi na siya galing sa Christmas party nang pumara ang suspek sa jeep, tinutukan siya ng balisong at hinablot ang kaniyang bag. 

Nakipag-agawan aniya siya sa kawatan, pero natangay nito ang kaniyang gamit. 

Nakahingi naman ng tulong ang biktima sa mga barangay-tanod kaya nahabol at nadakip ang suspek na kinilalang si Benjamin Tengco, 40. 

Inamin ni Tengco ang krimen, pero iginiit na kailangan lang niya ng pera dahil may sakit umano ang anak.

Nabawi sa kanya ang bag ng biktima, pero nawawala na ang P3,000 laman nito.
 
Nakatakdang kasuhan ng robbery-holdup si Tengco na dati nang nakulong dahil sa parehong reklamo. 

- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.