Dry run para sa HOV lane, kasado na

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2017 08:49 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Aarangkada sa Lunes, Disyembre 11, ang dry run para sa "high occupancy vehicle (HOV) lane," na magbabawal sa mga sasakyang isa lang ang sakay sa isang lane sa EDSA.

Mula ito sa panukala ng Metro Manila Council na italaga ang innermost left lane o fifth lane ng EDSA para sa mga sasakyang may dalawa o higit pang sakay.

Ibig sabihin, maiiwan ang third at fourth lane para sa mga pribadong sasakyang isa lang ang sakay.

Ang una at ikalawang lane naman ay yellow lane para sa mga pampublikong sasakyan.

Alas-6 ng umaga magsisimula ang dry run sa buong EDSA mula Monumento sa Caloocan hanggang Pasay.

Hindi muna manghuhuli ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority sa dry run.

Paiiralin din ang "no contact policy" na gagamit ng mga CCTV at iba pang digital camera o teknolohiya para mahuli ang mga lalabag.

Umani ng batikos ang panukala sa social media.

May mga nagsabing ginagagawang guinea pig ng mga awtoridad ang mga motorista para sa pag-eksperimento.

May ilan ding nagreklamong hindi sapat ang linyang ibibigay sa mga pribadong sasakyan.

Subalit mayroon din naman pumabor pero kinuwestiyon kung paano makikita ang bilang ng pasahero sa loob ng tinted na sasakyan.

Batay sa datos ng MMDA, 90% ng dumadaan sa EDSA ay mga pribadong sasakyan at 60% hanggang 70% dito ay ang nagmamaneho lang ang sakay.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.