Plano ng pamahalaang lalawigan ng Quezon na magtalaga ng bilang ng maaring makapasok sa mall kasabay ng pagdagsa ng mga tao ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay Governor Danilo Suarez, habang may banta pa ng COVID-19, gagawa ang lokal na pamahalaan ng panuntunan para pigilin ang dami ng tao sa mall sa partikular na oras para mahigpit na maipatupad ang physical distancing.
Nababahala umano si Suarez na muling tataas ang mga kaso ng COVID-19 dahil sa mga pagtitipon ngayong Kapaskuhan.
“Let’s avoid this pagdidikit-dikit at saka hanggang maari, huwag masyadong magsasama sa iisang lugar," ani Suarez.
Bumababa naman umano ang mga kaso sa Quezon at may mga araw na walang naitatatalang bagong kaso.
“Ang medyo hindi maganda lang sa akin, ‘yung mortality, mataas. Mukhang ang acceptable average ay 2.5 percent ng COVID case, kami yata ay 5 kaya medyo doble," ani Suarez.
Sa Tagaytay City, ipinasa ang kautusan para ipatupad ang resolusyon ng IATF na dapat fully vaccinated ang mga onsite na empleyado sa mga pampubliko at pribadong sektor.
Sa ilalim nito, hindi puwedeng magtrabaho sa site ang mga hindi bakunadong empleyado puwera na lang kung magpapakita sila ng negatibong resulta ng RT-PCR test.
Gastos ng empleyado ang bayarin sa RT-PCR test na gagawin kada dalawang linggo.
Kapag hindi naman nakapasok ang empleyado dahil sa kabiguang magpakita ng negative RT-PCR test, babawasan ang kanyang leave credits o isasailalim sa no-work-no-pay rule.
-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Teleradyo, Headline Pilipinas, Christmas, holiday season