ALAMIN: Panuntunan sa selebrasyon ng Pista ng Itim na Poong Nazareno

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2021 01:16 PM

MANILA -- Isang buwan bago ang Pista ng Itim na Poong Nazareno, naglabas ang pamunuan ng Quiapo Church ng mga dapat at hindi dapat gawin sa selebrasyon.

Sa YouTube account ng pamunuan ng Quiapo Church, pinaalalahanan ni parochial vicar Fr. Douglas Badong at ng ibang mga pari ng nasabing parokya ang mga debotong makikiisa sa selebrasyon-- lalo na ang mga nais pumasok sa simbahan--na dapat sila ay fully vaccinated na at dalhin ang kanilang vaccination card.

Dapat ding isuot nang maayos ang face mask at face shield, at magdala ng sariling alcohol o hand sanitizer. 

Huwag ring makipagsiksikan o makipag-unahan kung nais pumasok ng simbahan, anila. 

Dapat sumunod sa mga tagapagpatupad ng safety protocols tulad ng mga pulis, volunteer at mga usher.

Dapat ding panatilihin ang physical distancing sa lahat ng oras.

Kung may karamdaman na, tulad ng mga sintomas ng COVID-19, dapat na lang manatili sa kanilang tahanan ang mga deboto at sumubaybay sa online mass ng Quiapo Church.

Maaaring dalhin ng mga deboto ang kanilang mga imahen ng Itim na Nazareno sa simbahan ng Quiapo sa Disyembre 27, 28, at 29 para mabasbasan ito sa pagtatapos ng misa tuwing 12:15 p.m.

Ipinagbabawal pa rin ang paghawak o pagpahid sa mga imahen ng Poong Jesus Nazareno.

Magkakaroon din ng pagdalaw ng imahen ng Poong Jesus Nazareno sa iba't ibang probinsiya, diyosesis, at ahensya ng pamahalaan. 

Watch more on iWantTFC