PatrolPH

LGUs na may pinakamaraming nabakunahan sa nat'l vaccine drive pinarangalan

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2021 05:54 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Binigyan ng pagkilala ngayong Huwebes ang ilang lokal na pamahalaan na may pinakamaraming nabakunahan sa national COVID-19 vaccination days noong nakaraang linggo.

Sa mga rehiyon, nanguna ang Calabarzon sa dami ng nabakunahan sa unang 3 araw ng malawakang vaccination drive. Nakapagturok ito ng kabuuang 1.1 milyong COVID-19 vaccine doses sa panahong iyon.

Hinirang namang "best province" ang Laguna matapos makapagturok ng higit 271,000 doses sa loob ng 3 araw.

Cebu City naman ang hinirang na "best city" matapos makapagturok ng higit 103,000 doses sa parehong panahon.

Kinilala naman bilang top municipalities ang Rodriguez sa Rizal, Tanza sa Cavite at Arayat sa Pampanga.

Nakitaan naman ng pinakamalaking "improvement" o pagbuti sa average na dami ng naibabakuna ang General Santos City, at Tawi-Tawi province at ang kinabibilangan nitong Bangsamoro region.

Nanawagan naman ang gobyerno sa publiko na suportahan ang ikalawang round ng national COVID-19 vaccination days sa Disyembre 15 hanggang 17, kung saan target mabakunahan ang 7 milyong indibiduwal.

Noong unang vaccine drive mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3, umabot sa 10.25 milyong indibiduwal ang nabigyan ng COVID-19 vaccine.

Hinimok naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga local government unit na kaunti ang nabakunahan, na makipagtulungan sa pribadong sektor at non-government organizations para mas marami pang maturukan sa ikalawang yugto ng vaccine drive.

Ayon kay Duque, may proteksiyon pa ring nakukuha mula sa COVID-19 vaccines sa gitna ng banta ng omicron variant.

Pero kailangan pa umano ng dagdag na pag-aaral para malaman kung gaano kataas ang nabibigay na proteksiyon laban sa bagong variant.

Hanggang noong Miyerkoles, pumalo na sa 39 milyon ang may kumpletong bakuna sa Pilipinas, ayon sa tala ng National Task Force Against COVID-19.

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.