PatrolPH

Bahagi ng 2 probisyon sa anti-terror law 'unconstitutional'; ilang grupo dismayado

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2021 07:47 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Matapos ang higit isang taon simula nang kuwestiyonin sa Supreme Court (SC) ang legalidad ng Anti-Terrorism Act, inilabas na ng korte ang hatol nitong Huwebes.

Unconstitutional ang bahagi ng 2 probisyon ng batas, pero may bisa pa rin ang karamihan sa mga probisyon nito. 

Ayon sa SC, 12-3 ang naging botohan para ideklarang walang bisa ang bahagi ng section 4 ng batas na itinuturing na acts of terrorism ang pagpoprotesta kung ang intensiyon nito ay makapatay o makapanakit ng ibang tao o lumikha ng seryosong banta sa kaligtasan ng taumbayan.

"Overbroad" o masyadong malawak umano ang sakop ng bahaging ito ng batas at lalabagin ang kalayaan sa pamamahayag.

Isa ito sa mga inirereklamong probisyon ng mga tutol sa batas dahil nababaliktad umano ang proseso — ang inaakusahan ang kailangang magpatunay na wala siyang intensiyong makapatay.

Bukod pa rito, mahirap din alamin kung ano nga ba ang intensiyon ng isang tao kaya maaaring iba-iba umano ang paraan ng pagpapatupad ng batas, ayon sa mga petitioners.

Ayon sa SC, 9-6 naman ang boto ng mga mahistrado para ideklarang unconstitutional ang kapangyarihan ng Anti-Terrorism Council (ATC) na ituring na terorista ang ilang indibidwal o grupo base sa hiling ng ibang bansa, alinsunod sa standard ng United Nations Security Council.

Hindi sinabi ng korte ang dahilan sa boto nito. 

Pero ang ibang probisyon, hindi umano unconstitutional ayon sa Korte 
Suprema. 

Kabilang dito ang mga probisyon na nagbibigay kapangyarihan sa ATC sa pag-aresto kahit walang warrant of arrest at sa mas mahabang pagkakadetine ng mga inaakusahan ng terorismo, kahit wala pa namang kasong naisasampa.

Wala pang inilalabas na kopya ng kabuuang pasya ng Korte Suprema.

 DISMAYADO

Dismayado ang mga grupong nagtungo sa Korte Suprema nitong Huwebes ng umaga para abangan ang anunsiyo dahil hindi pinawalang-bisa ang buong batas.

"Ang anti-terror law ang siyang mismong ginagamit para kumitil ng buhay, para tiktikan ang mga aktibista at paratangan na sila ay mga terorista," ani Charm Maranan, spokesperson ng Defend Southern Tagalog. 

Para sa grupong Pamalakaya, dapat pinakinggan ng SC ang 37 mga grupo mula sa iba’t ibang sektor na tumutol dito. 

"We are dismayed and furious. The SC has forsaken public clamor... This repressive measure should have been struck down totally and in its entirety," ayon sa Pamalakaya, isang fishers group.

Dismayado rin ang iba pang progresibong grupo.

"This is a devastating blow for human rights and democracy. The Supreme Court missed the opportunity to defend the Filipino people's human rights and democracy... You don't defeat terrorism by terrorizing the people and stifling their rights," ayon sa Akbayan party-list.

"Ang pagdeklarang constitutional ang terror law ay nagpapatibay ng diktadura ni Duterte... Pinapatunayan ng desisyon na walang sinuman – kahit Korte Supreme – ang makakaharang sa madudugong pakana ng estado," ayon sa Kabataan party-list.

"We are very disappointed... Malinaw na malinaw sa aming mga manggagawa na walang maidudulot na kabutihan ang terror law ni Duterte... Sinusuka ng mga manggagawa ang batas na ito! Mag-aapela kami!" ayon sa Kilusang Mayo Uno. 

"For an ordinary person as you put it, ganu'n pa rin 'yung pangamba niya, 'yung sinasabi nating chilling effect as to the exercise of rights could still be there. The definition still remains unclear. Hindi pa rin malinaw kung ano 'yung sakop ng definition," ani Theodore Te, petitioner laban sa batas.

Sa kabila nito, may panalo pa rin umano ang mga kontra sa batas.

"Our main win from the SC ruling on the terror law is that activism is not terrorism. This is a partial victory for petitioners as protests and advocacy are not acts of terror, period," ani Renato Reyes ng BAYAN. 

Ikinatuwa naman ni National Security Adviser at ATC vice chair Hermogenes Esperon ang naging botohan sa SC.

"I’m happy that it is out, hindi naman 'dineclare' 'yung law na unconstitutional but some, two portions, which is okay, but we're waiting," aniya.

Ganito rin ang pananaw ng DILG.

"The declared unconstitutional provisions are minimal and it won't affect at all the ATA 2020. We'll make appropriate adjustment but we strictly implement anti-terrorism law strictly in order to protect the people against all acts of terrorism," ani DILG secretary Eduardo Año.

Nangako naman ang mga petitioner na iaapela nila ang naging desisyon ng SC at hindi pa tapos ang laban.


—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.