PatrolPH

'Mala-diyablong' effigy ni Duterte handa na para sa International Human Rights Day protest

ABS-CBN News

Posted at Dec 09 2020 04:19 PM

'Mala-diyablong' effigy ni Duterte handa na para sa International Human Rights Day protest 1
Nakagawian na sa kilos-protesta ng ilang grupo ang pagsusunog ng effigy, tulad sa larawang ito noong Hulyo 22, 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Naghahanda na ang mga artist group para sa International Human Rights Day sa Huwebes na sasabayan nila ng kilos-protesta kasama ang ibang grupo, kung saan ibabalandra nila ang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte na hinango sa imahe ng kakilakilabot na diyablo. 

Sa kanilang tanggapan sa Quezon City, nagsasagawa na ng finishing touches ang mga grupong UgatLahi, Karapatan, at Bayan sa kanilang mga mural at effigy na sumasalamin sa kritisismo nila sa administrasyong Duterte. 

Ayon kay Isis Molintas, miyembro ng UgatLahi, ipinapakita ng kanilang mga likha ang kasalukuyang kalagayan ng lipunan sa harap ng tumitinding krisis sa ekonomiya at kalusugan dahil sa pandemya. 

Ipinakita rin nila ang effigy ni Duterte, na ginawa raw nilang mala-diyablo at diktador.

Sa halip daw kasi na tumbukin ng Pangulo ang mga problema ng bansa, lalo pa raw niyang binibigyang pansin ang militarisasyon at pang-aabuso sa karapatang pantao. 

Ang iba naman nilang likha ay nagpapakita daw ng hiling sa pantay-pantay na karapatan sa edukasyon, umento sa sahod, programang pabahay, at paghiling ng hustisya sa mga biktima ng extrajudicial killings. 

Sa pamamagitan ng kanilang sining, hinihikayat ni Molintas ang publiko na tumindig at sumagot sa iba’t ibang hamon sa lipunan. 

Kapansin-pansin naman ang isang malaking streamer sa labas ng opisina na nagsasabing hindi sila terorista at walang bomba sa loob.

Hindi nabanggit ng grupo kung saan isasagawa ang kanilang kilos-protesta.


— Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.